Introduction

Lubos na mayaman ang ating wika, kaya naman marapat lamang na ito ay ating tuklasin at linangin sa ating sarili. Sa isang pagpapahayag kinakailangan nating alamin ang wastong gamit ng gramatika tungo sa matiwasay sa pagpapahayag. Kinakailangan din ang kawastuhan sa paggamit ng pandiwa upang sa gayon ay maging mabisa ang isang pagpapahayag kung ito man ay pasulat o pasalita.
Bago basahin at pag-aralan, kinakailangang may kaalaman na ang mga mag-aaral tungkol sa pandiwa at sa mga aspekto nito. Ito ay makatutulong upang mas maunawaan ang nilalaman ng WebQuest na ito na maaring makatulong sa pagpapalawak ng sariling kaalaman. Marapat lang din na taglayin ng mga mag-aaral ang bilis ng pag-iisip upang sagutan ang mga inihandang katanungan.
Ang PANDIWA ay pinakaluluwa ng pangungusap ang mga salitang nagsasaad ng kilos o galaw. Maaaring buuin ng salitang- ugat at panlapi. Ang mga salitang- ugat ay nagbibigay ng kahulugan sa pandiwa samantalang ang mga panlapi ay nagpapakilala ng iba't ibang panahunan, kailanan at tinig ng pandiwa.
Ayon sa kahulugang pansemantika, ang pandiwa ay salitang nagpapakilos o nagbibigay- buhay sa isang lipon ng mga salita. Ayon naman sa pananaw na istruktural, ang pandiwa ay nakikilala sa pamamagitan ng mga implekasyon nito sa iba't ibang aspekto ayon sa uri ng kilos na isinasaad nito.
Ang pawatas ay anyo ng pandiwa na hindi pa nababanghay sa tatlong aspekto.
Ang tatlong aspekto ng pandiwa:
1. Aspektong Pangnakaraan o Perpektibo- nagpapahayag ng kilos na nasimulan na at natapos na.
Halimbawa:
1. Sinabihan ni Aling Rosa ang mga bata na huwag gumawa ng mga bagay na ikapahahamak nila.
2. Magdamag na natulog si Farrah sa bahay ng kanyang kaibigan.
2. Aspektong Pangkasalukuyan o Imperpektibo- nagpapahayag ng kilos na nasimulan na ngunit di pa natatapos at kasalukuyan pang ipinagpapatuloy.
Halimbawa:
1. Umiiyak siya dahil iniwan ng kasintahan sa ibang babae.
2. Masayang kumakain ng pananghalian ang mga bata sa lilim ng puno.
3. Aspektong Panghinaharap o Kontemplatibo- nagpapahayag ng kilos na sisimulan pa lamang.
Halimbawa:
1. Aasa pa ba ako sa hindi ako mahal?
2. Aalisin mamayang alas- otso ng umaga ang mga basurang nakatambak sa gilid ng kalsada.
Mga inaasahang katanungang dapat masagot ng mga mag- aaral:
1. Ano ang pandiwa? sa kahulugang pansemantika? sa pananaw na istruktural?
2. Ano- ano ang mga aspekto ng pandiwa? Magbigay ng kahulugan sa bawat aspekto.
3. Ano ang pawatas?
4. Sa paanong paraan nabubuo ang pandiwa?
5. Magbigay ng mga sariling halimbawa sa bawat aspekto ng pandiwa.
Task
a. Natutukoy ang mga kahulugan ng pandiwa.
b. Napaghahambing ang tatlong aspekto ng pandiwa.
c. Nakapagbabahagi ng sariling mga halimbawa sa bawat banghay ng aspekto ng pandiwa.
d. Nakasusulat ng isang sanaysay na nagagamit ang angkop na aspekto ng pandiwa bilang aksiyon,
pangyayari o karanasan.
Process
Tatalakayin kung ano ang pandiwa at kung paano ito nabubuo. Tatalakayin din ang tatlong aspekto ng pandiwa sa pamamagitan ng talahanayan. Sa bawat aspekto nagbibigay ang mga mag-aaral ng sariling halimbawa.
Pagkatapos, sa isang buong papel, ang mga mag- aaral ay susulat ng isang sanaysay na nagagamit ang angkop na aspekto ng pandiwa bilang aksiyon, pangyayari o karanasan.
Evaluation
Pamantayan sa pagsulat ng sanaysay:
Paggamit ng mga angkop na aspekto ng pandiwa- 15
Nilalaman - 15
Paggamit ng tamang bantas at gramatika - 10
Orihinalidad - 10
Kabuuan - 50
Conclusion
Ang pandiwa ay lipon ng mga salita nagsasaad ng kilos o galaw. Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama ng isang salitang- ugat at ng isa o higit pang panlapi. Ang salitang- ugat ang nagbibigay ng kahulugan sa pandiwa samantalang ang panlapi ay nagpapahayag ng pokus o relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap.
Lahat ng pandiwa ay nababanghay sa tatlong aspekto, ang aspektong pangnakaraan o perpektibo, aspektong pangkasalukuyan o imperpektibo, at aspektong panghinaharap o kontemplatibo.
Credits
Sanggunian:
Tomas, Dominga,Penelope, Tica- a, Masining na Pagpapahayag, pahina 24- 25