Introduction
Ang walang hanggang pangangailangan at kagustuhan ng tao ay lumilikha ng kakapusan at kakulangan ng mga pinagkukunang-yaman. Nagdudulot ito ng mga suliraning pang ekonomiya na maaaring magresulta sa kaguluhan at kahirapan sa lipunan. Dahil dito, mahalaga na magkaroon ng sistemang pang-ekonomiya ang bansa. Ito ay para sa organisado at tamang pagdedesisyon ng pamamahagi ng mga pinagkukunang-yaman. Sa modyul na ito, mauunawaan natin ang mga pagsisikap ng isang ekonomiya na bigyan ng solusyon ang mga suliraning pang-ekonomiya sa pamamagitan ng alokasyon.
Matapos pag-aralan ang modyul na ito, ang mga estudyante ay inaasahang:
- nasusuri ang kaugnayan ng alokasyon sa kakapusan at pangangailangan at kagustuhan.
- napahahalagahan ang paggawa ng tamang desisyon upang matugunan ang pangangailangan; at
- nasusuri ang mekanismo ng alokasyon sa iba't-ibang sistemang pang-ekonomiya bilang sagot sa kakapusan.
Task
Ang inyong gawain ay makikita sa evaluation area ng webquest na ito. Kung kayo ay may tanong at paglilinaw ay malaya kayong lumapit o mag mensahe sa akin. Ang inyong mga gawain ay nahahati sa dalawa, ang unang bahagi ay mayroong 10 tanong na inyong sasagutin sa pamamagitan ng google form. Mula ngayon hanggang sa susunod na araw lamang ang pagsasagot. Para naman sa pangalawang bahagi ay maggagawa kayo ng sanaysay na inyong ilalagay sa microsoft word at ipapasa sa susunod na linggo sa email na ito marcobugawancortez07@gmail.com. Ang ano man uri ng pandaraya ay hindi pinapahintulutan, kung sino ang mapatunayang kumopya sa gawa ng kaklase o maging sa google ay mayroon karampatang paturasa. Gawin ito ng may buong pagsusumikap at katapatan.
Process
Ang alokasyon ay ang pamamahagi ng mga pinagkukunang-yaman ng iba't-ibang gamit upang sagutin ang mga pangunahing katanungang pang-ekonomiya sa harap ng suliranin sa kakapusan. Ang aloklasyon ay nagpapakita ng isang matibay na halimbawa ng paghahanay ng kahalagahan ng mga pangangailangan at kagustuhan ng mga tao. Ang sistema ng alokasyon ay batay sa iba't-ibang pamamaraan ng matalinong pagdedesisyon kung paano haharapin ang kakapusan.
Ang pagkakaroon ng mga limitadong yaman ang nagtatakda o nagsasabi na kakaunti lamang ang mga bagay na maaari nating gawin o iprodus. Nararapat lamang na magkaroon ng wastong alokasyon o tamang pamamahagi ng mga pinagkukunang-yaman ang ating lipunan o bansa.
Iba't-Ibang Sistemang Pang-ekonomiya
A. Traditional Economy
Isang halimbawa ng makalumang sistemang pang-ekonomiya ay ang sistema ng mga sinaunang tao. Ang tribu ang nagdedesisyon kung anong produkto ang kanilang gagawin at kung paano gagamitin ang mga produktong nalikha upang maipamahagi. Dahil sa walang kagamitan, napakabagal ng kanilang pag-unlad. Ang kanilang kultura at sistemang pang-ekonomiyang nakagawian ay kanilang ipinasa sa mga sumunod na henerasyon at naging malaking bahagi ng buhay sa lipunan. Isang halimabawa ang pagtatanim ng palay at pagkaing halaman. Ang pagtatanim ay naipasa ng ating mga ninuno hanggang sa kasalukuyang henerasyon kung saan ito ay patuloy na ginagawa ng mga magsasaka sa lalawigan.
Ang tradisyunal na ekonomiya ay nananatili parin sa kasalukuyang panahon. Halimbawa, sa lugar kung saan marami tayong mga kapatid na muslim ay may mga tindahan ng pagkain na halal. Mayroon din silang oras ng pagbubukas at pagsasara ng mga tindahan bilang pagbibigay-daan sa kanilang panalangin. Hindi rin sila nagtitinda ng mga bagay na bawal sa kanilang relihiyon.
kung ikaw ay taga- Marikina, inaasahang magaling kang gumawa ng sapatos. kung ikaw naman ay Kapampangan, bihasa ka sa paggawa ng tosino at iba pang inimbak na karne. kung ang magulang mo ay mga negosyante, malaki ang posibilidad na ikaw ay papakuhain nila ng kursong may kinalaman sa negosyo upang sumunod sa yapak nila. Sa sistemang ito, ang pagsagot sa mga katanungang pang-ekonomiya ay nakabatay sa kultura, paniniwala, at tradisyon.
B. Free Market Economy
Dahil sa pagbabago ng panahon, nag-iiba rin ang sistemang pang-ekonomiya ng isang bansa. ang bawat bahay-kalakal ay nagpapasiya kung anu-anong produkto ang dapat likhain, anong paraan ang dapat gamitin, at kanino ibebenta ang mga nalikhang produkto. Ang lahat ay malayang nakapapasok sa anumang linya ng produksiyon.
Ang free market-economy ay nagpapahintulot sa pribadong pag-aari ng kapital, pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng presyo, at pangangasiwa ng mga gawaing pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pamilihan. Ang mga produkto at serbisyo ay nililikha ng mga taong handang gawin at kayang isakatuparan ito. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga mamimili at nagtitinda.
Kapitalismo - Maraming mauunlad na bansa ang gumagamit ng sistemang kapitalismo kung saan ang pamahalaan ay may malaking ginagampanan upang mapaunlad ang ekonomiya at mapataas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan. Sa sistemang ito, ang pamahalaan ang gumagawa ng mga batas o patakaran tungkol sa pagbubuwis, suplay, ng salapi, interes o halagang ipinapatong sa produkto, palitan ng salapi, kalakalan sa pagitan ng ibang bansa, pangangapital, at presyo ng mga bilihin. Kadalasan, hinahayaan din ng pamahalaan ang mga indibidwal na gumawa ng mga desisyong pang-ekonomiya at makisangkot sa pagpapalakad ng industriya at pangangapital.
Sa sistemang ito, may kalayaan ang kapitalista at ang kapital. Ang batas ng panustos at pangangailangan ang nagtatakda ng presyo. Dito ay may kalayaan ang bawat tao at hindi nanghihimasok ang pamahalaan sa aktibidad ng ekonomiya.
Ayon kay Adam Smith, ang pagsulong ng pansariling interes, pribadong pagmamay-ari, at kompetisyon sa pagitan ng mga nagbebenta ay nakabubuo ng isang invisible hand na hindi man nila gustuhin ay magbibigay o tutulak sa kabutihang panlipunan.
C. Command Economy
Ang pamahalaan ang pangunahing nagmamay-ari ng karamihan sa mga pinagkukunang-yaman sa isang command economy. Sa pangkalahatan, ang ekonomiya ay pinangangasiwaan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga sentralisadong ahensiya. Ang pamahalaan din ang nagmamay-ari ng karamihan sa mga bahay-kalakal at lumilikha ng mga produkto at serbisyo alinsunod sa mga nagawang plano. Ang mga lupang sakahan, pabrika, bangko, pamilihan, at iba pang establisimentong pangkabuhayan ay pinamamahalaan ng mga empleyado ng pamahalaan alinsunod sa direktiba mula sa nakatataas. Sa isang command economy, kadalasang nagtatakda ang pamahalaan ng mga tinatawag na limang-taong plano o five-year plans upang matukoy ang inaasahang produksiyon sa hinaharap.
Komunismo- Sa sistemang ito, ang pamahalaan ang nagdidikta ng patakaran sa kalakalan at paggawa. Walang kalayaan ang mga mamamayang makabili at ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng tao ay kontrolado ng pamahalaan. Sa ilalim ng sistemang ito ay walang pribadong pag-aari at walang dayuhang maaaring mamuhunan.
Sosyalismo- Sa sistemang ito ay masasabing kontrolado ng pamahalaan ang malaking bahagi ng ekonomiya upang mapalakas at mapaunlad ang mga benepisyong panlipunan ng bansa. Ang pamahalaan din ang gumagawa ng sentralisadong pagpaplano ukol sa mga gawaing pang-ekonomiya.
D. Mixed Economy
Ang mixed economy ay pinaghalong market economy at command economy. Sa sistemang ito ay may kalayaan at karapatan ang bawat indibidwal na kumilos sa pamilihan ngunit maaaring manghimasok ang pamahalaan sa regulasyon ng kapital at kapitalista, at sa pagtatakda ng presyo at sahod. Ang mga trabaho, talino, at kakayahan ay may katumbas na kita sa sistemang ito. Kadalasan ay may batas ding sumasakop sa produksiyon at pagkonsumo at may taripa sa kalakalan.
Mahalagang malaman natin ang iba't ibang sistemang pang-ekonomiya upang maunawaan natin ang kalagayan ng ekonomiya ng isang bansa at upang malaman kung ano ang mainam gawin upang mapaunlad at mapataas ang antas ng kabuhayan at pamumuhay ng bawat mamamayan.
Upang mas maunawaang mabuti ang ating aralin, bisitahin ang link na ito: http://bit.ly/3UGB4Oo
Evaluation
Upang malaman kung kayo ay may naunawaan sa ating tinalakay, kailangan nyong sagutan ang mga sumusunod. Basahin mabuti ang panuto at sagutin ang mga katanungan base sa inyong pagkakaunawa.
A. Para sa unang bahagi ng inyong pagsusulit, bisitahin ang link na ito http://bit.ly/3tqKEsD at sagutan.
B. Para sa ikalawang bahagi, ano sapalagay mo ang kahalagahan ng alokasyon sa ating pang araw-araw na pamumuhay?
Ito ang pamantayan ng pagmamarka:
- Organisasyon ng mga datos- 5 puntos
- Kalinawan ng katwiran- 5 puntos
- Kaangkupan ng katwiran- 5 puntos
Ito ay may kabuuang 15 na puntos.
Conclusion
"Rational people think at the margin." Nagiging rasyonal ang tao sa mga bagay na dapat gawin para humantong sa isang matalinong pagdedesisyon. Kailangan natin maunawaan ang iba't-ibang sistemang pang-ekonomiya upang maiisabuhay ang kahalagahan ng alokasyon sa ating pang araw-araw na pamumuhay.
Credits
Flores, H. J., & Ferrer, J. C. (2016). Kalakaran sa Ekonomiks. St. Bernadette Publishing House Corporation.
Teacher Page
Ako si Renz Marco B. Cortez, nagnanais na maging mahusay na guro ng kasaysayan pagdating ng panahon. Nagmula ako sa bayan ng San Luis at naniniwala sa kasabihan na ang buhay ay hindi lamang nakabase sa kung ilan beses kang nangarap kundi sa ilan beses kang nagsumikap para maabot ang iyong pangarap. Maraming salamat, nawa ay may natutunan kayo sa araw na ito.