“Epekto ng mga Samahang Kababaihan at ng mga Kalagayang Panlipunan sa Buhay ng Kababaihan Tungo sa Pagkapantay-pantay, Pagkakataong Pang-ekonomiya at Karapatang Pampolitika”

Introduction

MGA KILUSANG PANGKABABAIHAN

                  Nakita ng mga kababaihan sa Asya ang kahalagahan ng pag-oorganisa upang maisulong ang kanilang interes at marinig ang kanilang mga boses. Sapagkat minsan na nilang naranasan ang iba’t ibang anyo ng pang-aapi at diskriminasyon sa lipunan at sa kanilang pamilya. Mahalaga ang pagkakaroon ng mga kilusang pangkababaihan sapagkat sila ang pangunahing tagapagtaguyod ng mga karapatan ng mga kababaihan. Alamin natin ang ilan sa mga kilusang ito sa ilang mga bansa sa Timog at Kanlurang Asya.

Task

Gawain 2: Pagsusuri sa Teksto

Panuto: Basahin at unawain ang mga sumusunod na teksto.

 

Evaluation

TIMOG ASYA

INDIA

                  Mababa ang katayuan sa lipunan ng kababaihan sa India. Subalit pagsapit ng ika-19 na siglo, naging aktibo ang mga kababaihan sa bansa sa paglahok sa mga kilusang nagtataguyod ng repormang panlipunan. Ang ilan sa mga kilusang naitatag ay ang Bharat Aslam ni Keshab Chunder Sen ng Bramo Samaj (1870); ang Arya Mahila Samaj na itinatag ni Pandita Ramabai at Justice Ranade (1880); Bharat Mahila Parishad (1905) at Anjuman-e-Khawatin-e-Islam na itinatag ni Amir-un-Nisa. Ang mga kilusang ito ay nakatulong sa kababaihan upang maisulong ang karapatan sa edukasyon.

                   Ang Women’s Indian Association (1917) at ang National Council of Indian Women (1925) ay nangampanya sa mga mambabatas upang makapagdulot ng mga pagbabago sa pamumuhay ng karaniwang kababaihang Indian. Tinalakay ng All India Women’s Conference ang mga isyu sa paggawa, rekonstruksyon ng mga kanayunan, opyo, at batas ukol sa bata o maagang pagpapakasal.

                  Noong 1851, ang mga unyon sa industriya ng tela ay nangampanya laban sa child labor. Binigyang pansin naman ng Indian Factory Act (1891) ang hindi makatuwirang bilang ng oras ng pagtatrabaho ng kababaihan. Binigyang pansin naman ng All Indian Coordination Committee ang mga isyu tulad ng benepisyo sa pagbubuntis, pantay na sahod at mga pasilidad ng daycare.

                 Nanguna si Sarojini Naidu sa paghimok sa mga kababaihang gumagawa at bumibili ng asin na huwag bayaran ang buwis bilang protesta sa pamahalaang English. Pinamunuan din niya ang Women’s India Association na mangampanya upang ang kababaihan ay mabigyan ng karapatang bomoto noong 1919. Noong 1950, ang karapatang bomoto ay iginawad sa kababaihan.

                Ipinagbawal naman ng Factories Act ng 1948 ang pagtatrabaho ng kababaihan sa mga delikadong makinarya habang umaandar ang mga ito. Nagbigay rin ito ng wastong pasilidad na pangkalinisan, daycare, kompulsaryong maternity leave. Nagtalaga naman ang Mine’s Act of 1952 ng hiwalay na palikuran para sa lalaki at babae. Ginawang legal ng Hindu Marriage Act of 1955 ang diborsyo.

              Noong 1970, itinatag ang mga kilusan tulad ng Kilusang Shahada, Shramik Sangatana (1972), Self-Employed Women’s Association (1972), ang United Women’s Anti-Price Rise Front (1973) at ang Nav Nirman(1974). Tinutulan ng mga kilusang nabanggit ang mga isyu gaya ng karahasan sa tahanan at di- makatarungang pagtaas ng presyo ng bilihin.

 

PAKISTAN, SRI-LANKA at BANGLADESH

              Ang partisipasyon ng mga kababaihan sa Pakistan ay bunga ng pakikipaglaban sa mga mananakop bago ang 1947. Ang kababaihang Muslim ay naging aktibo sa paghingi ng pagbabago sa edukasyon. Pinamunuan sila ni Syed Ahmed Khan. Aktibo rin sila sa Kilusang Khilafat bilang pagsuporta kay Turkish Khilafat, na naging simbolo ng pagkakaisa ng mga Muslim. Gayundin, naging aktibo sila sa paghingi ng isang malayang Pakistan.

             Ang Pakistan ay may malakas na kilusan ng mga kababaihan na nakatulong upang ipagtanggol ang proseso ng demokrasya sa bansa. Sa panahon ng pamumuno ni ZulfiqarAli Bhutto (1971-1977), nagkaroon ng mga pagbabago sa pagtingin sa kababaihan. Sa pamamagitan ng 1973 Saligang- Batas, may mga probisyon ito na nagbigay ng pantay na karapatan sa kababaihan, kasama na rin ang paglalaan ng sampung posisyon para sa mga kababaihan sa National Assembly at sampung bahagdan (10%) sa Asembleang Panlalawigan. Ang kababaihan ay nahirang sa matataas na posisyon sa pamahalaan.

            Ang ilan sa mga samahang itinatag ng kababaihan sa gitnang bahagi ng 1970 na pinamunuan ng mga may pinag-aralan ay ang sumusunod: United Front for Women’s Rights (UFWR), ang Women’s Front, Aurat at Shirkat Gah na sa kalaunan ay naging instrumento sa pagkakaroon ng Women’s Action Forum. Sa paglipas ng mga taon, pinangalagaan nila ang mga karapatan ng mga kababaihan. Sila rin ang nakipag-usap sa mga pinuno ng pamahalaan at mga partidong pulitikal tungkol sa mga isyu ng kababaihan. Pagkatapos ng 1988 eleksyon, isinilang ng WAF ang kanilang Charter Demands, na kung saan ay inilahad nila ang isang komprehensibong programang politikal para sa mga kababaihan.

           Dahil sa impluwensiya ng WAF, ang Sindhian Tehrik, isang partido pulitikal sa Sindh ay nagtagumpay sa kanilang kampanya laban sa maagang pag-aasawa (child marriage) at poligamya, gayundin ang karapatan ng kababaihan sa pagpili at pagpayag sa mapapangasawa.

           Dahil sa kahinaan ng civil society at mga partidong politikal, gayundin ang mapaniil na kapasidad ng estado; ang mga kilusang kababaihan sa bansa ay kritikal na patuloy na nagtatanggol sa mga karapatang pantao karapatan ng mga minorya sa Pakistan.

 

PAKISTAN, SRI-LANKA at BANGLADESH

           Ang kababaihan sa Sri-Lanka ay hindi gaanong nakalalahok sa politika. Kaalinsabay ng patuloy na digmaang sibil ay ang patuloy na paglabag sa mga karapatan ng kababaihan. Pumapangalawa lamang sila sa mga kalalakihan pagdating sa papel na ginagampanan sa sistemang politikal.

          Noong 1994 eleksyon, nagkaroon ng pagkakataon ang kababaihan na ipahayag ang mga isyu tungkol sa kanila. Ang mga isyung ito ay may kinalaman sa mga karahasang nagaganap laban sa kanila. Hiniling nila ang mga partidong pulitikal na magnomina sa mas maraming kababaihan na tatakbo sa eleksyon at isama sa kanilang plataporma ang mga isyung kinakaharap ng mga ito.

          Dahil dito, pinalakas ng nahalal na People’s Alliance ang probisyon ng Kodigo Penal na may kinalaman sa pang-aabuso sa kababaihan at mga pagbabago sa batas na may kinalaman sa panggagahasa at sexual harassment at iba pa. Hinirang din ng bagong pamahalaan angtatlong kababaihang ministro at apat na deputy ministers sa gabinete. Ang isa sa mahalagang samahan na naitatag noong 1984 sa bansa ay ang Mother’s Front bilang protesta sa pagkawala ng miyembro ng isang pamilya na inaresto at ikinulong ng mga sundalo.Samantala, ang Sri-Lanka Women’s NGO Forum na binuo ng iba’t ibang samahan ay naging aktibo sa pagtataguyod ng partisipasyon ng mga kababaihan sa politika.

           Taong 1983, sumalakay ang mga militanteng gerilya,na nakilala sa tawag na LTTE (Liberation Tigers of Tamil Eelam). Ang pagsalakay na ito ay nagdulot ng giyera sibil. Itinatag ang LTTE noong 1976 upang maitatag ang isang malayang estado ng Tamil sa Sri-Lanka. Ang mga kaguluhan ay tumagal hanggang 2009. Noong1983, itinatag ng LTTE ang Women’s Front of the Liberation Tigers. Maraming kababaihan ang sumapi rito na sa simula ay aktibo lamang sa pagkalat ng mga propaganda, panggagamot at maghanap ng pondong pinansyal. Sa kalaunan, sila ay naging aktibo na rin sa pakikipagdigma tulad ng kalalakihan.

           Para sa kanila, ang kapakanan ng bansa ang dapat manguna bago ang lahat. Ipinakita ng kababaihan sa kanilang pagsanib sa LTTE ang pagsuway sa kapangyarihan ng kalalakihan. Ayon sa pahayag ng LTTE noong Marso 8,2004, habang ang kababaihang Tamil ay nakikipagdigma upang palayain ang kanilang teritoryo, ito ay nangangahulugan rin ng pagpapalaya ng kanilang mga sarili sa anumang uri ng opresyon at di makatarungang pagkilos na dulot ng lipunan. Nararapat lamang na lumaban ang kababaihan upang magkaroon ng pagbabago sa lipunan at wasakin ang mapaniil na istrukturang sosyal. Para sa kababaihan, ang naging implikasyon ng digmaang sibil ay ang pagkakaroon ng panibagong direksyon sa isyu ng kababaihan. Ang Women for Peace na itinatag noong Oktubre, 1984 ay nagsilbing bantay sa militarisasyon ng SriLanka. Naging aktibo rin sila sa iba’t iba pang mga samahang nagtatanggol ng mga karapatang pantao at karapatang sibil.

 

BANGLADESH

          Ang kilusan ng kababaihan sa Bangladesh ay isinilang bunga ng kilusang nasyonalista. Noong 1970ang makakaliwang Mahila Parishad ay itinatag. Ito ang itinuturing na pinakamalaking samahan ng kababaihan sa bansa. Naimpluwensiyahan nito ang pagpapatupad ng mga polisiya sa pamahalaan kabilang ang kampanya na sumuporta sa pagsasabatas ng pagbabawal ng pagbibigay ng dote at ratipikasyon ng CEDAW (Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women).

          Ang pagdami ng mga samahang kababaihan sa Bangladesh ay tugon ng mga ito sa mga kaganapan sa bansa simula pa noong 1980. Ang mga samahan ng mga kababaihan ay instrument sa pagpapatalsik kay Hussain Ershad dahil sa pamumulitika gamit ang relihiyong Islam at ang pagpigil sa demokrasya.

          Sa pamamagitan ng United Women’s Forum, hiniling nila ang ratipikasyon ng CEDAW, magkakaparehong Kodigo Sibil at dagdag sa kota ng kababaihan sa Serbisyo Sibil. Maliban sa samahang ito, naitatag din ang Collective Women’s Platform na pumipigil sa anumang uri ng karahasan sa kababaihan. Isinilang din ang Platform Against Sexual Harassme.

 

KANLURANG ASYA

           Sa kasalukuyan, ang hamon na kinakaharap ng kababaihan sa Kanlurang Asya ay higit na paigtingin ang kanilang ginagawa upang makatiyak ang pagkakaroon ng pantay na karapatan ang kalalakihan at kababaihan. Sa kontekstong ito, ang samahan ng kababaihan ay kumikilos sa tatlong lebel: imulat ang kababaihan sa kanilang bansa tungkol sa hindi pagbibigay ng pantay na karapatan ng kanilang pamahalaan; hilingin sa pamahalaang nasyonal ang implementasyon ng internasyunal na pagpapatupad sa pagbibigay proteksyon sa kababaihan sa lahat ng larangan at ipaunawa sa mga bansa sa daigdig na ang kababaihan sa Kanlurang Asya ay hindi lamang naghihintay sa mga Kanluraning bansa upang sila ay sagipin sa halip ipaunawa na sila ay kababaihang nakikipaglaban para sa kanilang karapatan kagaya rin ng ibang kababaihan. Na sila rin ay kumikilos laban sa di-makatarungang patakaran dulot ng sistemang patriyarkal at ng kanilang kasaysayan.

 

ARAB REGION

               Ang rehiyong ito ay binubuo ng mga bansang Bahrain, Egypt, Iraq, Jordan, Kuwait, Lebanon,Oman, Palestinian Territories, Qatar, Saudi Arabia, Syria, United Arab Emirates at Yemen. Sa rehiyong ito, ang partisipasyon sa pulitika at paghahanapbuhay ng kababaihan ay hindi halos nagbago. Milyong kababaihan ang nangangailangan pang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Sa Kuwait at Saudi Arabia, illegal para sa kababaihan ang makilahok sa eleksyon dahil sa kanilang kasarian. Bagaman, ang mga pamahalaan sa rehiyong Arab, ay hindi pa rin tanggap ang ideya ng pagpapalaganap sa mga karapatang pantao; noong 1982 pagkatapos ng pagpupulong ng mga grupo ng civil society sa karapatang pantao na ginanap sa Cyprus, unti-unting tinanggap ng mga pamahalaang lokal at rehiyonal ang mga adbokasiya ng mga nangangalaga sa karapatang pantao, kabilang dito ang mga samahang kababaihan sa Israel. Sa pamamagitan ng Isha L’lsha-Haifa Feminist Center, pinangunahan nila ang implementasyon ng Security Council Resolution 1325. Hinikayat nila ang kababaihan na makilahok sa negosasyon at talakayan tungkol sa sigalot sa pagitan ng Israel at Palestine. Sa pamamagitan nito, maipamumulat ang epekto ng sigalot lalo na sa kababaihan at kung paano nila maipagtanggol ang kanilang karapatan.

              Maraming NGO na samahang kababaihan, samahang pangkapayapaan at Women’s Coalition for a Just Peace ang aktibo sa Israel. Karamihan sa kanila ay patuloy na nakikipagdayalogo sa kababaihang Palestinian upang magkaroon ng solusyon sa problema na maaaring maging instrument sa pagkakaroon ng kapayapaan.

               Bagaman, ang mga Samahan sa Karapatang Pantao sa Kanluran ay napangingibabawan ng mga kalalakihan, ang mga samahan ng kababaihan ay untiunti nang kinikilala. May malakas na koalisyon ng mga NGO na nagsusulong ng karapatang pantao at karapatan ng kababaihan sa Bahrain, Egypt, Jordan at Yemen. Sa panig ng grupo ng kababaihan, pinag-aralan nila ang mga batas at polisiya na nagdudulot ng diskriminasyon sa kababaihan. Sila ay humingi ng mga pagbabago na mangangalaga sa pagbibigay ng pantay na karapatan sa mga babae, gayundin ang pagbibigay ng pagkakataon na makilahok sa pulitika at sosyoekonomik na kapangyarihan.

                Sa loob ng sampung taong pakikibaka, ang kababaihan sa Bahrain, Omar at Qatar ay nagtagumpay na magkaroon ng karapatang bomoto. Samantala, ang kababaihan naman sa Egypt at Jordan ay nabigyan ng karapatan sa diborsyo, at ang karapatan bilang mamamayan ng kababaihan ay naibigay rin sa taga-Bahrain, Egypt at Lebanon.

               Sa Jordan, nanguna si Reyna Rania Al- Abdulla sa kampanya laban sa pangaabuso sa kababaihan. Sa Egypt, pinamunuan naman ni Susan Mubarak ang National Council on Women sa kampanya na baguhin ang batas pampamilya at pagbabawal sa pagkapon sa mga kababaihan. Samantala sa UAE, ang namuno ay si Sheikha Fatima Bint Mubarak ang nanguna sa pagbibigay ng karapatan na makapag-aral sa kolehiyo at magkaroon ng karapatang ekonomiko ang kababaihan. Dahil sa nabanggit na mga inisyatibong ng mga Unang Ginang sa kani-kanilang bansa, nakatulong sila sa pagbibigay solusyon sa mga isyung kinakaharap ng kababaihan. Gayundin nagkaroon ng dagdag na alokasyon ng badyet para sa edukasyon at kalusugan ng mga tao.

               Noong 2000, inilunsad ang Arab Women Connect, isang pangrehiyong network upang maisulong ang kamalayan ng kababaihan tungkol sa kanilang dapat na taglaying mga karapatan. Ito ay sa pamamagitan ng pagkilos ng kababaihan sa Egypt, Jordan, Lebanon, Palestine, Qatar, UAE at Yemen.

               Ang kapasidad ng mga samahang kababaihan upang maimulat ang publiko sa mga kontrobersyal na isyu ay nagkaroon ng pagbabago lalo na sa mga isyu tungkol sa diskriminasyon sa kababaihan at pambubugbog at pananakot sa asawa maliban na lamang sa mga bansang Kuwait, Oman, Saudi Arabia at Syria.

               Ang kababaihan sa Kanlurang Asya ay patuloy na aktibong nakikilahok sa pulitika, gayundin sa isyu ng pagkakaroon ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Conclusion

ISAISIP

  • Nakita ng mga kababaihan sa Asya ang kahalagahan ng pag-oorganisa upang maisulong ang kanilang interes at marinig ang kanilang mga boses
  • Mababa ang katayuan sa lipunan ng kababaihan sa India ngunit sila ay naging aktibo sa paglahok sa mga kilusang nagtataguyod ng repormang panlipunan.
  • Ang Pakistan ay may malakas na kilusan ng kababaihan na nakatulong upang ipagtanggol ang proseso ng demokrasya sa bansa.
  • Naging aktibo ang kababaihan sa Sri Lanka sa iba’t ibang samahang nagtatanggol sa mga karapatang pantao at karapatang sibil.
  • Ang kilusan ng kababaihan sa Bangladesh ay isinilang bunga ng kilusang nasyonalista.
  •  Ang hamon na kinakaharap ng kababaihan sa Kanlurang Asya ay higit na paigtingin ang kanilang ginagawa upang matiyak ang pagkakaroon ng pantay na karapatan ang kalalakihan at kababaihan.
Credits

SANGGUNIAN:

Blando, Rosemarie C. et al., Asya: Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakaiba. Pilipinas: Edi resources Publishing, Incorporated, 2014