Mga Paglabag sa Karapatang Pantao

Introduction

Ang lahat ng tao ay may karapatang mabuhay nang Malaya at may dignidad. Ang pagpatay, anumang uri ng karahasan, at pang-aabuso ay paglabag sa karapatan ng taong mabuhay nang Malaya, payapa, at walang pangamba.

Araw-araw ay maraming nangyayaring paglabag sa karapatang pantaoang napababalita. Narito ang iba’t ibang anyo ng nasabing paglabag:

PISIKAL NA PAGLABAG

  • May mga magulang, guro, at iba pang matatanda ang nananakit at nagpapataw ng mabigat na parusa sa pag-aakalang ito ay mabisang paraan ng pagdidisiplina.

  •  Ang pananakit at pagsugat sa katawan ng tao ay pisikal na paglabag sa karapatang pantao. Ang pagdukot, kidnapping, pambubugbog gaya ng hazing, pagputol sa anumang parte ng katawan o mutilation, lalo na ang pagkitil sa buhay ay mga pisikal na paglabag.

  • Ang seksuwal na pananakit tulad ng panghahalay o rape,pagsasamantala, panghihipo, martial rape, at domestic violence ay halimbawa rin ng pisikal na paglabag sa karapatang pantao.

  •  Ang pagkulong ng mahigit sa 24 oras at torture o pagpapahirap sa mga napagbibintangang criminal upang sila ay mapilitang umamin sa ibinibintang na krimen ay isa ring pisikal na paglabag sa karapatang pantao. Gayundin ang tinatawag na police brutality o labis na pagiging marahas ng mga pulis at militar sa mga napagbibintang kriminal at kaaway ng batas.

  •  Ang extrajudicial killing at extralegal killing sa mga napagbibintangang criminal o kaaway ng pamahalaan ay mga paglabag sa karapatang pantao. Ang mga biktima ng nasabing paglabag ay hindi nabigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte, bagkus sila ay agad na hinatulan at ginawaran ng parusang kamatayan.

SIKOLOHIKAL AT EMOSYONAL NA PAGLABAG

  • Ang pag-aaway ng mag-asawa, kamag-anak, o magkaibigan na na uuwi sa sigawan, at pagbibitaw ng masasakit o malulupit na salita ay maituturing na sikolohikal at emosyonal na paglabag sa karapatang pantao. Gayundin ang panlalait at pang-aalipusta na nagdudulot ng trauma sa isang tao. Nagiging mababa ang tingin ng isang tao sa kanyang sarili at nagdudulot ito ng kawalan ng kapayapaan ng loob. Nawawala ang kanyang kumpiyansa at hindi na makapamuhay ng matiwasay.

  • Ang simpleng tuksuhan at asaran sa paaralan ay maaaring mauwi sa bullying na sumusugat at lumalatay sa emosyonal na katatagan ng mga bata. Malimit na ito ay nagpapatuloy sa mga social networking site o tinatawag na cyber-bullying. May mga kaso na kung saan ang mag-aaral, dahil sa sobrang kahihiyan, panlulumo, at panliliit sa sarili,ay nagpapakamatay

  • Ang pananakot upang mapilit ang isang tao na gumawa ng isang bagay na labag sa kanyang kagustuhan ay paglabag din sa karapatan.Gayundin ang pamimilit na sumapi sa samahan.

ESTRUKTURAL O SISTEMATIKONG PAGLABAG

  • Ang mga ganitong uri ng paglabag ay nagaganap dahil sa mga estrukturang umiiral sa ating pamahalaan at sa mga alituntunin o batas na ipinapatupad dito. Halimbawa, may mga serbisyo ang ating pamahalaan na hindi naiparating sa mahihirap na mamamayan na naninirahan sa mga lalawigan dahil ang mga lugar na ito ay mahirap marating. Ang mga ito ay nalalasap lamang ng mga lungsod at sentrong pamahalaan.

  • Isa pa rito ang pagkakaroon ng mga antas sa lipunan na kung saan ang mga nabibilang sa mataas na antas at ang nakaririwasa ay mabilis na nabibigyan ng atensyon at preferential treatment samatalang ang ordinaryong mamamayan ay hindi mabigyan ng kaukulang atensiyon. Kadalasan, kailangan pa nilang maglagay o manuhol para lamang mabigyan ng kinakailangang serbisyo.