Introduction
Sa nakaraang aralin, natutunan ang tungkol sa konsepto ng pagkonsumo. Dito nasusuri na sa isang ekonomiyang walang matutugunan na pangangailangan at kagustuhan ng tao kung hindi gagamit o lilikha ng produkto. Sa modyul na ito ay mapag-aaralan ang tungkol sa karapatan at tungkulin ng mamimili. Sa usapin pa lamang ng pag- aanunsiyo, masusuri na may potensiyal na panganib na maibubunga nito sa pagkonsumo ng mamimili. Dahil dito kinikilala ng pamahalaan ang mga karapatan ng mga mamimili at maging ang mga responsibilidad na dapat gampanan ng isang mamimili.
Mga Karapatan ng Mamimili
Lahat ng tao ay may kani-kaniyang karapatan na dapat alamin at ipaglaban sa tamang paraan. Dalawang bagay ang dapat na isaisip ng mga mamimili, ang kanilang tungkulin at karapatan. Alam dapat natin kung kailan ipaglalaban ang ating karapatan bilang mamimili. Kaya mahalagang malaman natin ang ating mga karapatan.
1. Karapatan na Magkaroon ng Edukasyon
Ang mga mamimili ay dapat bigyan ng pagkakataon na dumalo sa mga seminar, pagpupulong, at pagsasanay upang maging matalinong mamimili.
2. Karapatan sa Pagpili
May kalayaan ang mga mamimili na pumili at bumili ng mga produkto na makatutugon sa kanilang pangangailangan. Sabi nga, "Customer is always right" at "No Return, no exchange" ay binago na. May takdang araw kung kailan maaaring palitan ang nabiling produkto para sa kapakanan ng mga mamimili.
3. Karapatan sa Maayos at Malinis na Kapaligiran
Responsibilidad ng mga may-ari ng pagawaan, tindahan, kantina, pamilihan, at industriya na laging malinis at kaaya-aya ang kapaligiran para sa kaligtasan at kalusugan ng mga mamimili.
4. Karapatang Magtatag ng Organisasyon
Ang pagkakaroon at pagtatatag ng mga samahan ng mga mamimili ay mahalaga upang may mangalaga at magbigay ng proteksiyon sa mga mamimili kung sila ay naaabuso o biktima ng pagsasamantala ng mga negosyante.
5. Karapatan sa Tamang Impormasyon
Ang pag-aanunsiyo ay makatutulong upang magkaroon ng impormasyon ang mga mamimili ukol sa produkto. Isa sa dapat malaman ng mga mamimili ay ang expiration date ng produkto.
6. Karapatan na Magtamo ng Kaligtasan
Dapat ipaalam sa mga mamimili kung ang mga produkto ay hindi ligtas bilhin at kainin. Ang mga produkto ay dapat ligtas sa mga mapaminsalang kemikal at bakterya tulad ng Foot and Mouth Disease (FMD), African swine fever, cyanide, red tide, E.coli, at Salmonella para sa kaligtasan ng mga mamimili.
7. Karapatan na Magkaroon ng Pangunahing Pangangailangan
Ang pagkakaroon ng sapat na supply ng mga produkto, maayos na serbisyo, at makatarungang presyo ay dapat siguraduhin upang matamo ng mga mamimili ang kasiyahan at matugunan ang kanilang pangangailangan.
Mga Tungkulin ng Mamimili
Bilang isang mamimili, hindi lamang pagbili ng mga produkto at serbisyo ang iyong tungkulin, bagkus may iba pang mga responsibiladad na dapat alam ng mga mamimili upang magampanan nila ito nang maayos. Kapag ang mamimili ay nagagampanan ang kanilang tungkulin ay nagiging hudyat ito sa mga prodyuser na pagbutihin ang mga lilikhaing produkto at serbisyo.
1. Pagiging mulat, mapagmasid, at alerto sa mga nangyayaring katiwalian at kapabayaan ng mga negosyante at pamahalaan.
2. Pagkilos at pagbabantay sa pagpapatupad ng tamang presyo na itinakda ng pamahalaan. Ang pagtatakda ng tamang presyo ay isinasagawa para sa kapakanan ng mga mamimili kaya dapat nilang i-monitor kung ito ay ipinapatupad. Ang pagsasagawa ng ganitong aksiyon ay pabibigay-alam sa mga mapagsamantalang negosyante na ang mga mamimili ay handang labanan ang katiwalian at gampanan ang kanilang tungkulin.
3. Pagkakaisa upang maging matatag sa pakikipaglaban ng kanilang karapatan. Ang konsumerismo o pagkilos ng mga mamimili upang matamo ang mga layunin at adhikain ng samahan ay nakasalalay sa kanilang pagtutulungan at pagkakaisa.
4. Pagtangkilik sa Sariling Produkto. Mas binibigyang-priyoridad ang pagbili ng mga lokal na produkto upang isulong ang pambansang ekonomiya. Ang lokal na produksyon at industriya ay sisigla kapag ang mga mamimili ay tatangkilikin ang sariling produkto. Makatutulong pa ito upang magkaroon ng hanapbuhay ang mga manggagawa.
5. Pangangalaga sa Kapaligiran. Alam natin kung gaano kahalaga ang mga likas na yaman. Ito ang pinagkukunan ng mga hilaw na materyales na kailangan sa produksiyon. Ang pangangalaga sa mga ito ay nasa ating mga kamay bilang mamimili. Ang pagtatapon ng mga basura sa mga ilog at estero ay dapat iwasan. Bukod dito, ang pagpapanatili ng kalinisan sa ating mga pamilihan, kantina, at pasyalan ay atin pananagutan.
Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang link sa ibaba:
https://drive.google.com/file/d/1wl_kI_qMyisPfPQ44vzaCI0UGD-jlP0r/view
Maaari ring panoorin ang videos sa ibaba:
Task
Panuto: Ang klase ay hahatiin sa dalawang pangkat. Bawat pangkat ay may paksang uunawain at tatalakayin. Ang mga impormasyong makakalap ng bawat grupo ay isasaayos at ipapakita gamit ang graphic organizers na itatalaga sa bawat pangkat sa pamamagitan ng PowerPoint Presentation. Labing limang minuto ang nakalaan sa pagkalap at pagsasaayos ng impormasyon at limang minuto (bawat pangkat) sa pag-uulat nito sa klase.
Narito ang mga paksang nakatalaga sa bawat grupo:
Unang grupo: Mga Tungkulin ng Mamimili
Graphic Organizer: Bubble Map
Pamprosesong Tanong:
1. Anu-ano ang mga tungkulin ng mamimili?
2. Sa paanong paraan ito nagagampanan ng mga mamimili?
Ikalawang grupo: Mga Karapatan ng Mamimili
Graphic Organizer: Mind Map
Pamprosesong Tanong:
1. Anu-ano ang mga karapatan ng mamimili?
2. Sa paanong paraan ito naipagtatanggol ng mga mamimili?
Credits
https://economics000rainargifel.wordpress.com/pagkonsumo/
https://fitzvillafuerte.com/learning-about-the-no-return-no-exchange-policy.html
https://www.myaccountingcourse.com/accounting-dictionary/expiry-date
https://www.oie.int/en/disease/foot-and-mouth-disease/
https://www.oie.int/en/disease/african-swine-fever/
https://www.healthline.com/health/arsenic-poisoning#common-causes
https://serc.carleton.edu/microbelife/topics/redtide/index.html
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/16638-e-coli-infection
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/salmonella/symptoms-causes/syc-20355329
https://drive.google.com/file/d/1wl_kI_qMyisPfPQ44vzaCI0UGD-jlP0r/view
Teacher Page
Ang WebQuest na ito ay linikha ni Bb. Cindy D. Labendia, isang Pre-Service Teacher sa paaralang College of Sciences, Technology and Communications, Inc. na nagpapakadalubhasa sa asignaturang Araling Panlipunan.