Introduction
KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG TULA SA PILIPINAS
Ang kasaysayan ng tulang Pilipino ay nababahagi sa limang importanteng mga panahon. Una, ang Matandang Panahon. Ang panahong ito ay nagsimula noong unang pagdating ng mga Negrito o Aeta hanggang sa taong 1521. Pangalawa, ang Panahon ng mga Kastila na nagmula noong taong 1521 hanggang sa taong 1876. Pangatlo, ang Panahon ng Pambansang Pagkamulat. Ito ay panahon ng himagsikan. Pang-apat, ang Panahon ng mga Amerikano na nag-umpisa noong taong 1898 hanggang sa pagkatapos ng panahon ng digmaan. At ang huli'y ang Panahong Patungo sa Pambansang Krisis.
Para sa mas detalyadong mga pangyayari kaugnay sa kasaysayan ng tula, maaaring basahin ang Kasaysayan ng Tula.
Ano ang Tula?
Ang panulaan o tula ay isang uri ng sining at panitikan na kilala sa malayang paggamit ng wika sa iba't ibang anyo at estilo. Pinagyayaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay. Ang mga likhang panulaan ay tinatawag na tula. Binubuo ang tula ng saknong at taludtod. Karaniwan itong wawaluhin, lalabindalawahin, lalabing-animin, at lalabing-waluhing pantig. Matalinghaga at ginagamitan din ito ng tayutay at simbolismo. Mayroon rin itong tugma at sukat.
Ayon naman kay Amado V. Hernandez, "Ang tula ay hindi pulos na pangarap at salamisim, di pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, at taginting. Ang tula ay walang di nagagawang paksain. Ang paham na si Plato ay nagturing na ang tula ay lalong malapit sa katotohanan kaysa istorya at ayon din kay Alexander Pope ay higit na maringal ang katotohanan kung nakadamit sa tula."
Ang tula ay binubuo ng iba't ibang sangkap o elemento na siyang mas nagpapatingkad at nagpapaganda rito. Ilan sa mga ito ay ang simbolismo at matatalinghagang pahayag.
Sa pagtatapos ng araling ito ay inaasahang mabibigyang-kahulugan mo ang iba’t ibang simbolismo at matatalinghagang pahayag sa tula na magiging posible lamang sa pagiging mapanuri at kritikal sa pagbabasa. Gawing gabay ang mga pantulong na salita sa pagbibigay-kahulugan. Dito ay matutunghayan ang isa sa pinakakilalang tula ni Jose Corazon de Jesus na pinamagatang "Isang Punongkahoy". Ito ay naglalaman ng mga simbolismo at matatalinghagang pahayag. Kaya 'wag ng magpatumpik-tumpik pa at simulan nang maging mapanuri at mapangahas na mambabasa!
Task
Sa pagtatapos ng aralin, ikaw ay inaasahang nabibigyang-kahulugan ang iba’t ibang simbolismo at matatalinghagang pahayag sa tula. Para mapagtagumpayan ito, maging mapanuri sa mga salitang nakapaloob sa tula at gamitin ang mga pantulong na salita upang tukuyin ang kahulugan ng mga simbolismo at matatalinghagang salita.
Process
Simbolismo at Talinghaga sa Tula
Nakadaragdag sa kagandahan at kabisaan ng katha ang hindi karaniwang paggamit ng mga salita. Kaya naman ang tula ay mayaman sa mga tayutay na nakatutulong upang maging mabisa at kaakit-akit ang akda. Maliban sa tayutay, nagagamit din sa pagkakaroon ng kariktan ng tula ang mga simbolismo at matatalinghagang pananalita.
Ang matatalinghagang pahayag o pananalita ay may malalim o hindi lantad na kahulugan. Sinasalamin ng paggamit nito ang kagandahan at pagkamalikhain ng anumang wika.
Halimbawa:
1. Butas ang bulsa – walang pera 2. Ilaw ng tahanan – ina
3. kalog na ang baba – gutom 4. alimuon – tsismis
5. bahag ang buntot – duwag
Bakit kaya rito sa mundong ibabaw
Marami sa tao’y sa salapi silaw?
Kaya kung isa kang kapus-kapalaran
Wala kang pag-asang umakyat sa lipunan.
(Panambitan ni Myrna Prado salin ni Ma. Lilia Realubit)
Ang mga salitang naka-italic sa tula ay matatalinghagang pananalita sapagkat ang una’y nangangahulugang pagiging mukhang pera ng tao samantalang ang ikalawa’y tumutukoy sa mahirap.
Ang simbolismo naman ay naglalahad ng mga bagay, at kaisipan sa pamamagitan ng sagisag at mga bagay na mahiwaga at metapisikal. Ito ay ordinaryong bagay, pangyayari, tao, o hayop na may nakakabit na natatanging kahulugan.
Halimbawa:
1. silid-aklatan - karunungan o kaalaman 2. gabi – kawalan ng pag-asa
3. pusang-itim – malas 4. tanikalang-bakal – kawalan ng kalayaan
5. bulaklak – pag-ibig
Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko,
Nguni’y muling tumayo:
Nagkabungang ginto!
(Palay, Tanaga ni Ildefonso Santos)
Ang salitang palay sa tula ay sumisimbolo sa taong dumaan sa pagsubok na kaniyang nilampasan at nagsilbing susi sa kaniyang pagtatagumpay.
Ilan pa sa mga halimbawa ng simbolismo at matatalinghagang pahayag sa tula ay mapapanood sa sumusunod na video:
Tunay ngang hindi makapupukaw ng atensyon ng mambabasa ang isang tula kung hindi ito gagamitan ng simbolismo at matatalinghagang pahayag. Ito ang nagbibigay ng kulay sa tula at hinahayaang magsuri ang isang mambabasa sa nakatagong kahulugan ng mga ito.
Upang mahasa ang inyong kaalaman sa simbolismo at talinghaga sa tula, sa araling ito ay samahan ninyo akong panoorin ang isang kilalang tula ni Jose Corazon de Jesus na pinamagatang "Isang Punongkahoy" . Halina't panoorin at bigyang-pansin ang mga simbolismo at matatalinghagang pahayag na ginamit sa tula!
Kung nais mabalikan ang nilalaman ng tula, maaaring basahin ang Isang Punongkahoy.
Evaluation
Matapos mapanood at mabasa ang tulang "Isang Punongkahoy" ni Jose Corazon de Jesus, nasisiguro kong kaya mo nang isagawa ang sumusunod na gawain:
Gawain 1:
Isa-isahin ang mga simbolismo at matatalinghagang pahayag na ginamit sa tula at bigyang-kahulugan ang mga ito. Ilagay sa punongkahoy na makikita sa ibaba ang inyong kasagutan. (2puntos bawat isa)

Conclusion
Ang simbolismo at talinghaga sa tula ay mga sangkap na hindi natin maaaring alisin sa isang tula. Ito ay tila asukal na siyang nagbibigay ng tamis at masarap na lasa sa isang lutuin. Bilang elemento ng tula, makatutulong ito upang mas maging kaakit-akit ang isang babasahin at mabigyan ng mas malalim na kahulugan ang mga salita.Sa kabuuan, ang mga dahilan ng paggamit ng simbolismo at talinghaga ay ang mga sumusunod:
- Tumutulong sa mga mambabasa na maisalarawan ang mga kumplikadong konsepto at sundin ang mga gitnang tema
- Ang mga manunulat ay nagkakaroon ng pagkakataon na mag-uugnay ng mga malalaking ideya sa isang mahusay, matalinong paraan
- Pinasisigla ang malayang pag-iisip sa mga mambabasa habang dumadaan sila sa proseso ng pagbibigay-kahulugan sa teksto ng may-akda
- Nagdadagdag ng emosyonal na timbang sa teksto
- Tumutulong upang itago ang isang tema na maaaring masyadong kontrobersyal upang lumapit nang hayagan
Para sa karagdagang kaalaman at pagsasanay, maaaring magsagawa ng pagbabasa tungkol sa simbolismo at matatalinghagang pahayag sa tula.
Maraming salamat sa pagbabasa! Nawa ay hitik na hitik na at kasing-liwanag na ng sikat ng araw ang inyong kaalaman tungkol sa araling ito.
Credits
Acoymo, Gina B. (2021). FILIPINO Ikatlong Markahan- Modyul 3: Tula mula sa Uganda. Retrieved from:https://znnhs.zdnorte.net/wp-content/uploads/2021/04/Filipino10_Q3_M3.pdf
Chukoy. (2013). Kasaysayan ng Tula. Retrieved from: http://misterhomework.blogspot.com/2013/07/kasaysayan-ng-tula.html
Ortiz, Allan. (2013). Sangkap at elemento ng tula. Retrieved from:https://www.slideshare.net/allanortiz/sangkap-at-elemento-ng-tula
Philippine Literature Enthusiasts. (2009). Ano nga ba ang Tula? Retrieved from: http://filipino-tula.blogspot.com/2010/06/ano-nga-ba-ang-tula.html
Rechelle. (2013). Ano Ang Tula. Retrieved from: https://www.scribd.com/doc/20139146/Ano-ang-tula
Taborada, Jonalyn. (2018). Isang Punongkahoy. Retrieved from: https://www.slideshare.net/JonalynTaborada/isang-punongkahoy
Teacher Leng. (2021). PAGGAMIT NG SIMBOLO, TALINHAGA AT IMAHE. Retrieved from:https://www.youtube.com/watch?v=fJfnYmvT2yc
Teacher Li. (2020). ISANG PUNONGKAHOY ni Jose Corazon de Jesus. Retrieved from: https://www.youtube.com/watch?v=vDzY6HovALY
U., Hazel. (2021). Ano SIMBOLISMO AT MATATALINGHAGANG PAHAYAG SA TULA |Grade 10. Retrieved from: https://www.youtube.com/watch?v=5n2AMRmHbEQ
Teacher Page
Ang WebQuest na ito ay binuo ni Shekainah E. Lustado, isang mag-aaral na nasa ikaapat na taon mula sa College of Sciences, Technology and Communications, Inc., bilang pangangailangan sa asignaturang Technology for Teaching and Learning Filipino.