Introduction
Ang suliraning pangkapaligiran ay tumutukoy sa anumang pangyayari, kalagayan, o problemang may kinalaman sa pagkasira ng kapaligiran at sa balanseng ekolohikal.Mahalagang matukoy kaagad ang mga suliraning ito upang masolusyonan o maagapan sapagkat sa kalaunan ay maaaring ikasira ng pamayanan.
Dahil sa patuloy na pag-unlad, kasabay ng pag-usbong ng malalaking industriya at ng hindi mapigilang pag-unlad ng ekonomiya, patuloy na nasisira ang biodiversity o ang pagkakaiba-iba at pagiging katangi-tangi ng lahat ng anyo ng buhay na bumubuo sa kalikasan.
Task
Sa pagtatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang natutukoy ang mga suliraning pangkapaligiran na nararanasan sa sariling pamayanan at natatalakay ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagharap sa mga suliraning pangkapaligiran sa sariling pamayanan. Upang makamit ang mga layuning ito, kinakailangan na maunawan ang iba’t-ibang suliraning pagkapaligiran na nakakaapekto sa ating sariling pamayanan.
Process
Suliraning Pangkapaligiran
Ang mga sumusunod ay ang iba’t-ibang suliraning pangkapaligiran na nangyayari sa ating sariling pamayanan.
Waste Management
Ang waste management ay ang akmang termino sa wastong pangungolekta, paglilipat, pagtatapon o paggamit, at pagmo-monitor ng basura ng mga taao. Isinasagawa ito upang mapangasiwaan nang maayos upang makaiwas sa masasamang epekto ng basura sa kalusugan at kapaligiran.
Maaaring mabawasan ang basura sa pamamagitan ng pagsunod sa prinsipyo ng:
Reduce- ang sus isa pagbabawas (reduction) ng basura ay pangangalaga o pagtitipid (conservation)- ang matalinong paggamit sa mga pinagkukunan (resources), at ang paggamit ng kaunti lamang upang maiwasan ang basura.
Reuse- maaaring muling pakinabangan o gamitin ang mga gamit kaysa sa itapon o kaya naman, ibigay o ipasa sa iba.
Recycle- huwag itapon ang mga bagay o gamit na maaari pang i-recycle.
Waste management sa Pilipinas
- Sa Alituntunin 11, Seksiyon 6 ng Ecological Solid Waste Management Act, ipinagbabawal ang pagtatapon o pagtatambak ng anumang uri ng basura sa mga pampublikong lugar.
- Ang halimbawa ng mga pampublikong lugar ay mga daan, bangketa, bakanteng, lote, kanal, estero at parke, harapan ng establisimiyento, maging sa baybay-ilog at baybay-dagat. Kung sakaling may lumabag sa probisyong ito, nakasaad din ang pagbibigay ng citation ticket.
Mining
Ang pagmimina o mining ay isang proseso ng paghuhukay at pagkuha ng mga metal, di-metal, at mineral mula sa lupa katulad ng uling, ginto, pilak platinum, tanso, bakal, langis, likas na gas, at iba pa. Ito ay isa sa mga pangunahing industriyang nakatutulong sap ag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa kabila ng maraming benepisyo sa pagmimina, naisasakripisyo naman ang kalagayan ng kapaligiran.
Mga negatibong Epekto ng Pagmimina
- Ayon sa 4th Philippine National Report to the Convention on Biological Diversity (2009), ang 23 malaking minahan sa bansa ay matatagpuan sa natitirang key biodiversity areas tulad ng Palawan, Mindoro, Sierra Madre, at Mindanao.
- Naaapektuhan ng pagmimina ang samu’t saring likas na yaman. Sa legal na proseso ng pagmimina, may karapatang gamitin ng minahan ang mga yamang-tubig na bahagi ng miniminang lupain. Dahil dito, ang mga ilog at lawa na pinapakikinabangan ng mga komunidad para sa kanilang irigasyon, paglalaba, at inuming tubig ay nakukontamina at nalalason. Dahil sa kemikal na kumakalat sa mga ilog, nagkakaroon ng mga fishkill, katulad nang nangyari sa Leyte na sumira sa kabuhayan ng mga mangingisda.
- Nagkakaroon ng mga trahedya dulot ng pagmimina at ng mga inabandonang minahan. Ayon sa SOS-Yamang Bayan Network, hindi dapat pinahihintulutan ang pagmimina sa lugar na may mataas nab anta ng pagbaha, pagguho, at iba pang maaaring magdulot ng trahedya. Bukod dito, mahigit 8,000 inabandonang minahan na ang hanggang ngayon ay nananatiling nakatiwangwang, di-naaayos, at hindi man lamang napag-aaralan. Ang mga ito ay maaamagdulotng pagguho o peligro mula sa lindol o pagbaha.
Dahil sa di-mabubuting epekto ng pagmimina, nagpatulad ng mga batas para maiwasan ang mga ito.
Mga hakbang ng Pamahalaan sa Pagharap sa mga Suliranin ng Pagmimina
- Philippine Mining Act
Naisabatas noong 1995 upang makapagbigay ng makabuluhang panlipunan at pangkapaligirang kaligtasan mula sa pagmimina kasama ang obligasyon ng mga industriyang nagsasagawa nito.
- Executive Order No.79
Ito ay pinatutupad upang mapagtibay ang proteksiyong pangkapaligiran, masuportahan ang responsableng pagmimina, at makapagbigay ng karampatang revenue-sharing scheme kasabay ng paglago ng industriya ng pagmimina.
- Philippine Mineral Resources Act of 2012
Ang batas na ito ay naglalayong aregluhin ang mga makatuwirang pananaliksik sa pagmimina, masubaybayan ang paggamit ng mga mineral resources.
Pagku-quarry o Quarrying
Ang pagka-quarry o quarrying ay isang proseso ng pagkuha ng mga bato, buhangin, at iba pang materyales sa pamamagitan ng pagpapasabog, paghuhukay, o pagbabarena. Madalas na ang kina-quarry aay ang mga bundok na pinagkukunan ng mga bato at ang tabingdagat na pinagkukunan ng buhangin.
Mga dahilan ng pagku-quarry
- Ang materyales na nagmumula sa pagku-quarry ay ginagamit sa paggawa ng mga gusali, kalsada, tulay, bahay, at marami pang iba.
- Malaki ang kontribusyon ng pagku-quarry sa kaunlarang panlipunan ng isang pamayanan sapagkat natutugunan nito ang kagamitang panangkop na kinakailangan sa pagpapagawa ng mga pasilidad at serbisyo sa mga komunidad.
- Bukod dito, nagkakaroon din ng karagdagang oportunidad sa trabaho, particular ang mga enhinyero, mekaniko at iba pa; at sa Negosyo particular sa konstruksiyon.
- Nababawasan din ang gastusin ng pamahalaan sap ag-aangkat ng aggregate resources mula sa ibang bansa dahil sa pagku-quarry sa sariling lugar.
Mga Epekto ng Pagku-quarry
- Ang polusyon sa hangin na dulot ng alikabok at usok na nagmumula sa kuwarihan ay isa sa masasamang epekto ng quarrying. Bukod sa polusyong dulot nito, maaari ding pagmulan ito ng mga sakit sa baga.
- Sa proseso ng quarrying, mula sa pagkalap ng materyales hanggang sa paghulma nito, lumilikha ito ng malakas na ingay mula sa mga makina at iba pang kagamitan.
- Lumilikha rin ito ng mga basura o quarry waste na maaaring makasira sa kapaligiran particular na sa katubigan sapagkat naiipon ang mga ito sa ilalim.
- Ang pinakamatinding epekto ng quarrying ay ang pagkasira ng biodiversity at balanseng ekolohikal. Ang biodiversity ay kinabibilangan ng mga tao, mga hayop, mga halaman, at iba pang maaybuhay.
Deforestation
Ang paghahawan ng kagubatan o deforestation ay tumutukoy sa pagpuputol ng mga puno, pagtatbas ng mga damo, at pag-aalis ng anumang sagabal sa pamamagitan ng pagsusunog hanggang maging mahawang lupa o lugar para sa mga hangaring agricultural o komersiyal. Kadalasan, ginagawa ito sa dalawang paraan- pagkakaingin at clear cutting. Sa pagkakaingin, tinatabas at sinusunog ang mga puno sa kagubatan upang pagtaniman. Sa clear cutting, pinuputol nang walang habas ang mga puno sa anumang kadahilanan.
Ang dahilan ng Deforestation
- Ang pangunahing dahilan ng deforestation ay agricultural, isinasagawa ito para gamitin sa pagtatanim upang matustusan ang pangangailangan ng mga tao o pagpapatubo ng mga damo para sa mga hayop.
- Ang mga torso ay ginagawang papel, kasangkapan, kabahayan, panggatong, at iba pa.
- Hinahawan din ang mga gubat o bundok para sa urbanisasyon. Sa proseso, pinapatag ang mga kagubatan upang tayuan ng gusali at kabahayaan.
Mga epekto ng Deforestation
- Kapag nagpatuloy ang malawakang pagpuputol at pagsusunog ng mga puno, magdudulot ito ng di-mabubuting epekto sa forest ecosystem, at sa iba pang ecosystem na may kaugnayan dito. Ang mga ugat ng puno ay kumakapit sa lupa upang hindi ito matangay ng tubig. Kung kaya, kapag Nawala ang mga puno, ang karaniwang epekto ay pagguho ng mga bundok at pagbaha. Gumuguho ang lupa patungo sa mga daan at kabayanan. Ang mga gumuhong lupa ay maaari ring mapadpad sa mga lawa, batis, at sa iba pang anyong tubig. Dahil dito, maaaring maapektuhan ang kalidad ng tubig na siyang nagiging dahilan ng pagkakasakit ng mga tao.
- Ang pag-aalis ng mga puno ay pag-aalis din ng mga palyo (bubong) sa kagubatan na siyang humahadlang sa matinding sikat ng araw at tumatangan sa init sa gabi kung kaya matindi ang temperaturang nararanasan na nagdudulot ng pagkamatay ng mga halaman at hayop. Nawawalan din ng tirahan ang mga hayop. Dahil dito, maaaring magdulot ito ng pagkalipol.
Mga solusyon sa Pagsugpo ng mga Suliranin ng Deforestation
- Ang legal na pagpuputol ng mga puno ay dapat matuldukan. Dapat ding ipagbawal ang clear cutting upang mapanatili ng buo ang mgakagubatan. Kung magkakaingin, dapat maliit na bahagi lamang ng bundok o gubat ang gagamitin.
- Upang mapigilan ang paglala ng epekto ng deforestation, dapat nang bawasan ang pagdami ng carbon dioxide sa atmospera. Ibalik din ang pamumuhay at tirahan ng mga hayop at mapanatiling ligtas ang mga ito.
Mga batas sa Pilipinas ukol sa pangangalaga ng mga kagubatan
- Republic Act No. 9175 o Chain Saw Act of 2002
- Republic Act No. 7586 o National Integrated Protected Areas System Act of 1992
- Presidential Decree No. 705 o The Forestry Reform Code of the Philippines
- Philippine Decree No. 1152 o Philippine Environmental Code
- Republic Act No. 9154 o Mt. Kanlaon Natural Park Act of 2001
Flash flood
Ang biglaang pagbaha o flash flood isang mabilis na pagragasa ng tubig hanggang sa bumaha o umapaw ito at makapaminsala sa mabababang lugar. Hindi katulad ng normal na pagbaha, ito ay maaaring mangyari sa loob lamang ng ilang minute o bago mag-anim na oras pagkatapos ng malakas na pag-ulan o pagbagyo.
Mga sanhi ng Flash Flood
- Maraming dahilan at sakit na nagdudulot ng flash flood isa na rito ang pagbagyo na maaaring maghatid ng malalakas na pag-ulan, pagtaas ng tubig sa dalampasigan, at pagbaha sa malalawak na kalupaan.
- Salik din ang kawalan ng maayos na lusutan na tubig sa mga lanasangan papunta sa mga kanal dahil sa tambak ng basura.
- Ang urbanisasyon ay maaari ding makapagpabago sa natural na agusan at makalikha ng mga bagong panganib sa pagbaha. Inuukupa ng mga gusali, paradahan, at kalsada ang mga lupang sana ay sisipsip sa tubig-baha.
- Ang pagkatunaw ng yelo sa Arctic Ocean dahil sa global warming ay isa sa nagpapataas ng lebel ng tubig sa karagatan. Galon-galong tubig ang nadaragdag sa karagatan mula sa bawat kubikung piye ng buo-buong yelong natunaw. Maaari itong magbunga ng pag-apaw ng mga sapa, ilog, lawa, at dagat.
Mga epekto ng Flash Flood
- Ang flash flood ay nagdudulot ng malaking pinsala o pagkasira sa lipunan, kabuhayan, kapaligiran, kalusugan, kalikasan at iba pa.
- Nasisira o napaparalisa ang Sistema ng transportasyon at komunikasyon.
- Nasisira nito ang kagamitan sa kabahayan katulad ng refrigerator at iba pang mga di-saksak na kasangkapan. Maaari ring matangay ang mga kagamitan.
- Nagdudulot ito ng iba’t-ibang sakit gaya ng leptospirosis na nagmumula sa ihi ng mga daga na nahahalo sa tubig-dagat. Nalalagay sa alangarinang kalusugan.
Pag-iwas sa mga Panganib na Hatid ng Flash Flood
- Siguraduhin ng bawat pamayanan na walang basurang nakatambak sa mga daanan at dakuyan ng tubig.
- Kinakailangang taniman ang kabundukan at kagubatan ng mga puno.
- Hindi dapat sunugin ang mga basura lalong-lalo na ang mga plastic, nagpapalala ito ng global warming.
- Dapat mahigpit na ipinatutupad ng gobyerno ang mga batas sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.
- Mahalaga ring may alam at alerto sa mga mangyayari sa paligid.
Upang mas lubos ninyong maunawaan ang araling ito, narito ang isang maikling presenatsyon na mas makakatulong sa inyo na maunawan ang iba’t- ibang suliraning pangkapaligiran sa ating sariling pamayanan.
Conclusion
Mahalaga ang ginagampanang papel ng ating pamahalaan sa ganitong suliranin sa ating kapaligiran. Sapagkat sila ang nagpapatupad ng mga batas o hakbang na maaaring makatulong o para maiwasan naten ang mga ganitong suliraning pangkapaligiran. Ngunit mas lubos na magiging epektibo ang mga hakbang na pinatupad ng pamahalaan kung ang bawat tao ay susunod o magiging responsable sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kaya bilang isang mamamayan, kinakailangang palagi nating isipin na ito bang ating ginagawa ay makakatulong o may malaking epekto sa ating kapaligiran.
Credits
Araling Panlipunan 10
YUNIT I: Mga Isyung Pangkapaligiran at Pang-ekonomiya
Mga Suliraning pangkapaligiran
Mga Suliraning pangkapaligiran sa Sariling Pamayanan
https://www.slideshare.net/hanibal258/araling-panlipunan-grade-10-q1-76627011
Teacher Page
Ang webquest na ito ay nilikha ni Ayrish G. Literato, mag-aaraal sa College of Sciences Technology and Communication Inc, Sariaya Quezon, para sa asignaturang Technology for Teaching and Learning 2 (TTL 2).