ANG PANGANGAILANGAN AT KAGUSTUHAN

Introduction

Sa nakaraang aralin, tinalakay ang kahulugan ng kakapusan at kung paano ito

nakaaapekto sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay bilang mag-aaral at kasapi ngpamilya at lipunan. Ang kakapusan ay umiiral dahilan sa limitado ang pinagkukunang-yaman at walang katapusan ang pangangailangan at kagustuhan ng tao. Kaya mahalaga ang matalinong pagdedesisyon sapagkat hindi lahat ng nais at gusto ng taoay maaaring makamit.

Samantala, pag-aaralan mo sa araling ito ang mga konsepto ng pangangailangan(needs) at kagustuhan (wants). Inaasahan na masusuri at matataya mo ang iyong mga pamantayan sa pagbuo ng matalinong desisyon tungkol sa iyong mga kagustuhan at pangangailangan.

Task

Sa pagtatapos ng araling ito, inaasahan na ikaw ay makapagsusuri sa

kaibahan ng pangangailangan at kagustuhan bilang batayan sa pagbuo ng matalinong

pagdedesisyon, maipakita ang ugnayan ng personal na kagustuhan at pangangailangan

sa suliranin ng kakapusan, makapagsusuri sa herarkiya ng pangangailangan,

makabuo ng sariling pamantayan sa pagpili ng pangangailangan batay sa herarkiya

ng pangangailangan, at makapagsuri sa mga salik na nakakaimpluwensiya sa

pangangailangan at kagustuhan.

Process

ANG PANGANGAILANGAN AT KAGUSTUHAN

Ang bawat tao ay may mga pangangailangan at kagustuhan. Ang

pangangailangan ay mga bagay na dapat mayroon ang tao sapagkat kailangan niya

nito sa kaniyang pang-araw-araw na gawain. Ang pagkain, damit, at tirahan ay mga

batayang pangangailangan sapagkat hindi mabubuhay ang tao kung wala ang mga

ito.

Samantala, hindi sapat na may damit, tirahan, at pagkain lang ang tao. Gusto

niyang mabuhay nang marangal at maayos sa lipunan kaya siya ay naghahangad ng

mas mataas sa kaniyang mga batayang pangangailangan. Tinatawag na kagustuhan

ang paghahangad na ito ng tao. Ang pagkakaroon ng bahay sa isang sikat na

pamayanan, pagkakaroon ng masasarap na pagkain araw-araw, at pagsusuot ng

mamahaling damit ay mga halimbawa ng kagustuhan. Hinahangad ito ng mga tao

sapagkat nagdudulot ito ng higit na kasiyahan.

Ayon kina McConnel, Brue, at Barbiero (2001) sa kanilang aklat na

Microeconomics,“ Ang kagustuhan ng tao ay nagbabago at maaaring madagdagan

dahilan sa paglabas ng mga bagong produkto.” Ang kagustuhan ng tao sa isang bagay

ay magdudulot ng mas mataas na antas ng kagustuhan sa paglipas ng panahon.

Subalit sa maraming pagkakataon, ang kagustuhan ng isang tao ay maaaring

pangangailangan ng iba at ang pangangailangan mo ay kagustuhan lamang para

sa iba. Ang pagbili ng cellphone halimbawa, para sa isang negosyante ay isang

pangangailangan. Subalit para sa iba, ang cellphone ay maaaring kagustuhan lamang.

 

Teorya ng Pangangailangan ni Maslow

Bawat tao ay magkakaiba ang pangangailangan at kagustuhan. Sa “Theory

of Human Motivation” ni Abraham Harold Maslow (1908-1970), ipinanukala niya

ang teorya ng ‘Herarkiya ng Pangangailangan.’ Ayon sa kaniya, habang patuloy na

napupunan ng tao ang kaniyang batayang pangangailangan, umuusbong ang mas

mataas na antas ng pangangailangan (higher needs).



Pangangailangang Pisyolohikal. Nakapaloob dito ang pangangailangan ng

tao sa pagkain, tubig, hangin, pagtulog, kasuotan, at tirahan. Kapag nagkulang ang

mga pangangailangan sa antas na ito ay maaaring magdulot ng sakit o humantong

sa pagkamatay.

Pangangailangan ng Seguridad at Kaligtasan. Magkakaroon ng

pangangailangang ito kapag natugunan na ang naunang pangangailangan. Kabilang

dito ang kasiguruhan sa hanapbuhay, kaligtasan mula sa karahasan, katiyakang moral

at pisyolohikal, seguridad sa pamilya, at seguridad sa kalusugan.

 

Pangangailangang Panlipunan. Kabilang dito ang pangangailangan na

magkaroon ng kaibigan, kasintahan, pamilya at ng anak, at pakikilahok sa mga gawaing

sibiko. Kailangan ng tao na makipag-ugnayan sa kaniyang kapwa at makisalamuha

sapagkat mayroon siyang pangangailangan na hindi niya kayang tugunan na mag-isa.

Maaaring magdulot ng kalungkutan at pagkaligalig ang sinumang hindi makatutugon

sa pangangailangang ito.



Pagkamit ng Respeto sa Sarili at Respeto ng Ibang tao. Kailangan ng

tao na maramdaman ang kanyang halaga sa lahat ng pagkakataon. Ang respeto ng

ibang tao at tiwala sa sarili ay nagpapataas ng kanyang dignidad bilang tao. Ang mga

kakulangan sa antas na ito ay maaaring magdulot sa kanya ng mababang moralidad

at tiwala sa sarili na maaaring nagmula sa pagkapahiya, pagkabigo, at pagkatalo.



Kaganapan ng Pagkatao. Ito ang pinakamataas na antas ng pangangailangan

ng tao. Sinabi ni Maslow na ang taong nakarating sa antas na ito ay nagbibigay ng

mas mataas na pagtingin sa kasagutan sa halip na katanungan. Hindi siya natatakot

mag-isa at gumawa kasama ang ibang tao. Ang mga taong nasa ganitong kalagayan

ay hindi mapagkunwari at totoo sa kanyang sarili. May kababaang loob at may respeto

sa ibang tao.

Ipinapaliwanag sa teorya ni Maslow na nasa susunod na pahina na walang

katapusan ang kagustuhan ng tao. Ang pagkakaroon ng pangangailangan ay

nakabatay sa matagumpay na pagtuon sa mga naunang antas ng pangangailangan.

Kung kaya, nararapat lamang na ilagay at iayos ang pangangailangan ng tao ayon sa

kahalagahan nito.

 

Mga Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pangangailangan at Kagustuhan



Edad. Ang pangangailangan at kagustuhan ay nagbabago ayon sa edad ng tao. Ang

mga kabataan ay nasisiyahang kumain basta’t naaayon ito sa kaniyang panlasa.

Ngunit sa pagtanda ng tao, kailangan na niyang piliin ang kaniyang maaaring kainin

upang manatiling malusog ang pangangatawan.



Antas ng Edukasyon. Ang pangangailangan ng tao ay may pagkakaiba rin batay sa

antas ng pinag-aralan. Ang taong may mataas na pinag-aralan ay karaniwang mas

malaki ang posibilidad na maging mas mapanuri sa kanyang pangangailangan at

kagustuhan.



Katayuan sa Lipunan. Ang katayuan ng tao sa kaniyang pamayanan at

pinagtatrabahuhan ay nakakaapekto rin sa kaniyang pangangailangan at kagustuhan.

Maaaring ang taong nasa mataas na posisyon sa kaniyang trabaho ay maghangad ng

sasakyan sapagkat malaki ang maitutulong nito upang lalo siyang maging produktibo

sa kaniyang mga obligasyon at gawain.



Panlasa. Isa pa sa mga salik na nakapagpapabago sa mga pangangailangan ay ang

panlasa. Ang panlasa sa istilo ng pananamit at gupit ng buhok ng mga kabataan ay

ibang-iba sa istilo ng mga nakatatanda.

Kita. Malaki ang kinalaman ng kita sa pagtugon ng tao sa kaniyang pangangailangan

at kagustuhan. Kapag maliit ang kita ng tao, malimit na nagkakasya na lamang siya

sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, at pagkakaroon ng

bahay. Samantala, naghahangad ng malalaki at modernong bahay ang mga taong may

malaking kita. Kung mas malaki ang kita mas madalas na malaki rin ang konsumo,

hindi lamang sa pagkain kundi sa mga bagay na itinuturing na kagustuhan.



Kapaligiran at Klima. Ang kapaligirang pisikal ay nakaaapekto sa pangangailangan

ng tao. Kung malapit sa dagat ang isang lugar, kalimitan ng hanapbuhay ng mga tao

rito ay pangingisda, kaya malaki ang pangangailangan sa mga produktong pangisda.

Kung malamig naman ang lugar ay maaaring maghangad ang tao ng mga produktong

makatutulong upang malabanan ang matinding lamig, tulad ng heater. Samantala ang

electric fan, aircondition unit, at iba pang mga kahalintulad nito ang pangangailangan sa

lugar na may mainit na klima.

Conclusion

Ang pangangailangan ay mga bagay na dapat mayroon ang isang tao

para mabuhay, samantalang kagustuhan ang paghahangad ng higit pa sa mga

ito. Ang kagustuhan ay maaaring maganap at magdulot ng kaginhawahan sa

tao kung pag-iisipan at pag-aaralan ang mga ito. Ang pagkain, damit, at tirahan

ay mga batayang pangangailangan sapagkat hindi mabubuhay ang tao kung

wala ang mga ito. Ang edad, edukasyon, panlasa, kita, at hanap buhay ng tao

ay ilan lamang sa mga salik na nakapagpapabago sa mga pangangailangan.

Ayon sa teorya ni Maslow, habang patuloy na natutugunan ng tao ang kanilang

pangangailangan ay nagkakaroon siya ng mas mataas na hangarin hanggang

matamo niya ang inaasahang kaganapan ng kaniyang pagkatao.



Inilahad sa araling ito ang pagkakaiba ng pangangailangan

at kagustuhan at ang kaugnayan nito sa personal na kagustuhan. Ang

pangangailangan ay mga bagay na dapat ay mayroon ang tao para mabuhay,

at ang kagustuhan ay paghahangad ng mga bagay na higit pa sa batayang

pangangailangan. Sa pagbuo ng desisyon sa pagkonsumo, mahalagang

isaalang-alang ang pangangailangan batay sa isang herarkiya. Sinuri rin ang

mga salik na nakakaapekto sa mga pangangailangan ng tao.

Credits

REFERENCES:

Chua, Johannes L., Panahon, Kasaysayan at Lipunan (Ekonomiks) Ikalawang Edisyon.

DIWA Publishing House Nolasco, Libertty I. et. Al. , Ekonomiks: Mga Konsepto, Applikasyon at Isyu.

VPHI Mateo, Grace Estela C. et. al., Ekonomiks Mga Konsepto at Aplikasyon (2012),

VPHI De Leon, Zenaida M. et. al. (2004), Ekonomiks Pagsulong at Pag- unlad, VPHI

Teacher Page

Ang webquest na ito ay ginawa ni Sanlie Kate C. Cubio , para sa asignatura sa TTL 2.