Mga Salik ng Produksyon

Introduction

Layunin:

Sa pagtatapos ng aralin, ang  mga mag-aaral ay inaasahang:

1. Natutukoy ang mga salik ng produksyon.

2. Nabibigyang halaga ang bawat salik ng produksyon sa paggawa ng produkto.

3.Nakagagawa ng isang repleksyong papel tungkol sa kahalagahan ng mga salik ng produksyon sa pang-araw-araw na pagkonsumo ng tao.

 

Mga Pamprosesong Tanong:

1. Maaari kayang mabuo ang isang produkto kahit kulang ang sangkap nito? Paano ito makaaapekto sa kalidad ng isang produkto?

2. Maliban sa mga sangkap, may kailangan pa ba upang mabuo ang isang produkto?

 

Ang PRODUKSYON...

Ayon sa modyul na isinulat nina Balitao et al. (2015), tinukoy nila na ang produksyon ay proseso kung saan pinagsasama ang mga salik (input) upang mabuo ang isang produkto (output). Ito ay tumutukoy din sa paglikha ng produkto o serbisyo na tumutugon sa mga pangangailangan at kagustuhan ng tao. Ang mga salik na ginamit sa pagbuo ng produkto ay tinatawag na input

 

Ano-ano ang Mga Salik ng Produksyon?

 

Lupa bilang Salik ng Produksyon

Ang lupa ay hindi lamang tumutukoy sa tinataniman ng mga magsasaka o pinagtatayuan ng bahay. Kaasama rin dito ang lahat ng yamang likas sa ibabaw at ilalim nito pati ang yamang-tubig, yamang-mineral at yamang-gubat. Hindi tulad ng ibang salik, ang lupa ay may naiibang katangian sapagkat ito ay fixed o takda ang bilang. Samakatuwid, ang wastong paggamit ng lupa ay mahalaga.

 

Lakas-Paggawa bilang Salik ng Produksyon

Ang mga likaas na yaman at mga hilaw na sangkap ay hindi magiging kapaki-pakinabang kung hindi gagamitin at gagawing produkto. Samakatuwid, kailangan ang mga manggagawa upang mabuo at matapos ang isang kalakal at serbisyo. Ang lakas-paggawa ay tumutukoy sa kakayahan ng tao sa produksyon ng kalakal o serbisyo.

Dalawang uri ng lakas-paggawa:

1. Manggagawang may kakayahang mental o white collar-job

Halimbawa: guro, doktor, abogado, inhinyero at iba pa

2. Manggagawang may kakayahang pisikal o blue collar-job

Halimbawa: karpintero, drayber, magsasaka at iba pa

 

Ang mga manggagawa ay may malaking ginagampanan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay sapagkat ang kanilang paggawa ng produkto at serbisyo ang tumutustos sa ating pangangailangan.

 

Kapital bilang Salik ng Produksyon

Ang kapital ay tumutukoy sa kalakal na nakalilikha ng iba pang produkto. Mas magiging mabilis ang paggawa kung may mga makinarya o kasangkapang gagamitin ang mga manggagawa. Ang kapital ay maaari ding iugnay sa salapi at imprastraktura tulad ng mga gusali, kalsada, tulay pati na ang mga sasakyan.

Ayon sa artikulo ni Edward F. Denison na may pamagat na "The Contribution of Capital to Economic Growth" (1962), ang kapital ay isa sa mga salik sa pagtamo ng pagsulong ng isang bansa. Ang kabayaran sa paggamit ng kapital sa proseso ng produksyon ay tinatawag na interes.

 

Entrepreneurship bilang Salik ng Produksyon

Ang entrepreneurship ay tumutukoy sa kakayahan at kagustuhan ng isang tao na magsimula ng isang negosyo. Ang entrepreneur ang tagapag-ugnay ng naunang mga salik ng produksyon upang makabuo ng produkto at serbisyo. Siya rin ang nag-oorganisa, nagkokontrol at nakikipagsapalaran sa mga desisyon sa mga bagay na makaaapekto sa produksyon. Tubo o profit ang tawag sa kita ng entrepreneur.

Ayon kay Joseph Schumpeter, isang ekonomista ng ika-20 siglo, napakahalaga ng inobasyon para sa isang entrepreneur. Ipinaliwanag niya na ang inobasyon o patuloy na pagbabago ng entrepreneur sa kaniyang produkto at serbisyo ay susi sa pagtamo ng pagsulong ng isang bansa.

 

Mga katangian na dapat taglayin upang maging matagumpay na entrepreneur:

1. Kakayahan sa pangangasiwa ng negosyo

2. Matalas na pakiramdam hinggil sa pagbabago sa pamilihan

3. May lakas ng loob na humarap at makipagsapalaran sa kahihinatnan ng negosyo.

 

 

Task

Pang-isahang gawain

Panuto:

Gabay ang mga sumusunod na tanong at ang pamantayan sa paggawa, sumulat ng isang repleksyong papel na binubuo ng hindi baba sa 350 na salita at hindi tataas sa 650 na salita. 

 

Pamantayan sa Paggawa

     kategorya

                             3

                2

                 1

Puntos

Kaangkupan ng sagot sa tanong

Wasto, malinaw at angkop ang sagot sa bawat katanungan.

Angkop ang sagot sa bawat katanungan ngunit hindi malinaw.

Hindi malinaw at hindi angkop ang sagot sa bawat katanungan.

 

Organisasyon ng ideya

Mahusay ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya; gumamit din ng mga transisyunal na pantulong upang maging mas malinaw ang pagpapahayag ng mga ideya.

Mahusay ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya.

Hindi organisado ang mga ideya.

 

Kaisahan

Malinaw at magkakaugnay ang bawat ideya.

Hindi masyadong malinaw ang bawat ideya ngunit magkakaugnay.

Hindi malinaw ang ideya at hindi rin magkakaugnay.

 

Kabuuan

 

 

 

 

 

1. Ano ang kahalagahan ng mga salik ng produksyon sa produksyon at sa pang-araw-araw na pagkonsumo ng tao

2.Paano mapapaunlad ng gobyerno ang bawat salik ng produksyon upang mas maging kapakipakinabang ito sa pagbuo ng produkto?

3. Dapat ba na pagtuunan lamang ng gobyerno ang iisang salik ng produksyon? Ipaliwanag.

Process

Upang mas lubos na maunawaan, narito ang isang maikling video tungkol sa mga salik ng produksyon.

https://www.youtube.com/watch?v=THTVwyMSHWk

Ayon sa video na inyong napanuod, ano ang inyong naunawaan?

Bakit mahalaga na matukoy ang mga salik ng produksyon?

 

 

Evaluation

Pagtataya

Modified True or False. Isulat sa patlang ang TAMA kung wasto ang isinasaad ng naka-highlight/bold na salita sa bawat pangungusap. Kung mali, isulat ang wastong kasagutan sa patlang.

 

_____1. Ang white collar-job ay ginagamitan ng kakayahang mental.

_____2. Tubo ang tawag sa pakinabang ng manggagawa sa ipinagkaloob niyang paglilingkod.

_____3. Ang manggagawa ang tagapag-ugnay ng naunang mga salik ng produksyon upang makabuo ng produkto at serbisyo.

_____4. Ang kabayaran sa paggamit ng capital sa proseso ng produksyon ay tinatawag na interes.

_____5. Output ang tawag sa produktong nabuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga salik ng produksyon.

Conclusion

Kumpletuhin ang pangungusap sa pamamagitan ng pagpunan sa patlang.

 

Nalaman ko na _________________________________________.

Naunawaan ko na _______________________________________.

Pahahalagahan ko ang mga salik ng produksyon sa pamamagitan ng ______________________________________________________.

 

Credits

Ariola, E. (2020). Mga salik ng produksyon. Retrieved from https://www.youtube.com/watch?v=THTVwyMSHWk

Cabral, W & Fuentes, R. (2020). Mga salik ng produksyon. Araling Panlipunan Ikasiyam na baitang. pp. 25-27. 

Teacher Page

This webquest was created by Mike Cabaysa, a BSEd 4th year student at CSTC College of Sciences, Technology and Communications, Inc. and soon to be a licensed professional teacher.