Introduction
Ang kakayahang kumonsumo ng tao ay nakabatay sa salapi na maaari nitong gastusin. Ang salapi namang maaaring iimpok ay nakabatay kung magkano ang matitirang salapi matapos ibawas ang salaping ginamit sa pagkonsumo. Mauunawaan sa araling ito ang ugnayan ng pangkalahatang kita, pag-iimpok, at pagkonsumo.
Task
Sa aralin na ito ay mapag-aaralan ang tungkol sa ugnayan ng Kita, Pag iimpok at Pagkonsumo.Pagkatapos mapag-aralan ang modyul na ito, inaasahan na ang mga mag aaral ay: Nasusuri ang mga salik na nakakaapekto sa pagkonsumo.
Process
Mga Salik na Nakakaapekto sa Pagkonsumo
May iba't ibang salik na nakaaapekto sa pagkonsumo ng isang tao. Ang pagkakaiba-iba ng kanilang katangian ang dahilan kung bakit nagkakaiba-iba ang paraan at dahilan ng kanilang pagkonsumo. Sa ibaba ay mababasa ang ilan sa mga salik na nakakaapekto sa pagkonsumo ng isang tao.
Pagbabago ng presyo - may pagkakataon na nagiging motibasyon ang presyo ng produkto o serbisyo sa pagkonsumo ng isang tao. Kalimitan, mas mataas ang pagkonsumo kung mababa ang presyo samantalang mababa ang pagkonsumo kapag mataas ang presyo. Kadalasan, mas tinatangkilik ng mga mamimili ang produkto o serbisyo kapag mura dahil mas marami silang mabibili. Samantala, kaunti naman ang kanilang binibili kung mataas ang presyo nito.
Kita - nagdidikta sa paraan ng pagkonsumo ng isang tao. Ayon kay John Maynard Keynes, isang ekonomistang British, sa kanyang aklat na The General Theory of Employment, Interest, and Money na inilathala noong 1936, malaki ang kaugnayan ng kita ng tao sa kanyang pagkonsumo. Ayon sa kaniya, habang lumalaki ang kita ng tao ay lumalaki rin ang kaniyang kakayahan na kumonsumo ng mga produkto at serbisyo. Sa kabilang banda, ang pagbaba ng kita ay nangangahulugan ng pagbaba ng kakayahang kumonsumo. Kaya naman, mapapansin na mas maraming pinamimili ang mga taong may malalaking kita kung ihahambing sa mga aong may mababang kita lamang.
Mga Inaasahan- ang mga inaasahang mangyayari sa hinaharap ay nakaaapekto sa pagkonsumo sa kasalukuyan. Halimbawa, kung inaasahan ng mga tao na magkakaroon ng kakulangan sa supply. produkto dahil sa kalamidad, tataas ang pagkonsumo nito sa kasalukuyang panahon bilang paghahanda sa pangangailangan sa hinaharap. Gayundin naman kapag may banta ng kaguluhan sa isang lugar o may inaasahang pagkakagastusan sa hinaharap. Ang mga tao ay pinipilit na huwag munang gastusin ang salapi at binabawasan ang pagkonsumo upang mapaghandaan ang mangyayari sa mga susunod na araw o panahon. Kung positibo o maganda naman ang pananaw sa hinaharap, maaga pa sa inaasahan ay tumataas na ang pagkonsumo kahit hindi pa natatanggap ang inaasahang salapi tulad ng pagtanggap ng bonus at iba pang insentibo.
Pagkakautang - kapag maraming utang na dapat bayaran ang isang tao, maaaring maglaan siya ng bahagi ng kaniyang salapi upang ipambayad dito. Ito ay magdudulot ng pagbaba sa kaniyang pagkonsumo dahil nabawasan ang kaniyang kakayahan na makabili ng produkto o serbisyo. Tataas naman ang kakayahan niyang kumonsumo kapag kaunti na lamang ang binabayaran niyang utang.
Demonstration Effect - madaling maimpluwensiyahan ang tao ng mga anunsiyo sa radyo, telebisyon, pahayagan, at maging sa internet at iba pang social media. Ginagaya ng mga tao ang kanilang nakikita, naririnig, at napapanood sa iba't ibang uri ng media kaya naman tumataas ang pagkonsumo dahil sa nasabing salik. Ang mga taong hindi naman naiimpluwensiyahan ng nabanggit ay may mababang pagkonsumo lalo na sa mga bagay na uso at napapanahon lamang.
Upang lubos ninyong maunawaan at mabigyang linaw ang araling ito, narito ang isang maikling presentasyon tungkol sa Mga Salik na Nakakaapekto sa Pagkonsumo.
Evaluation
Pamprosesong Tanong:
1. Bakit may iba't ibang salik na nakakaapekto sa pagkonsumo ng tao?
2. Bakit nagkakaiba-iba din ang mga salik na mayroon ang bawat indibidwal?
3. Batay sa iyong sariling pag-unawa, ano ang pinakamatimbang na salik sa pagkonsumo?
4. Alin sa mga salik ng pagkonsumo ang naranasan mo na? Sa papaanong pagkakataon mo ito naranasan?
Conclusion
Isaisip...
Iba't ibang Salik na Nakakaapekto sa Pagkonsumo
1.Pagbabago ng Presyo-(Nagiging motibasyon ang presyo ng produkto o serbisyo sa pagkonsumo)
2.Kita- (habang lumalaki ang kita ng tao ay lumalaki rin ang kaniyang kakayahan na kumonsumo)
3.Mga Inaasahan-(mga inaasahang mangyayari sa hinaharap ay nakaaapekto sa pagkonsumo kasalukuyan)
4.Pagkakautang-(kapag maraming utang na dapat bayaran, maaaring maglaan ng bahagi ng salapi pambayad dito)
5.Demonstration Effect-(impluwensiya ng mga anunsiyo sa radyo, telebisyon, pahayagan, internet at iba pang social media)
Ang pagkonsumo ay ang paggamit o pagbili ng mga produkto o serbisyo.Ang pangunahing layunin ng produksiyon ay matugunan ang walang katapusang pangangailangan at kagustuhan ng tao.Ang walang katapusang pagkonsumo ng tao ay maaring magresulta sa kakapusan at kahirapan kapag hindi napamahalaan ng maayos.Upang maiwasan ang kakapusan kakulangan at kahirapan dapat isaalangalang ng tao ang mga salik na nakakaapekto ng kanyang kakayahan sa pagkonsumo.
Credits
Araling Panlipunan 9 Modyul 5:Mga Salik na Nakakaapekto sa Pagkonsumo
https://znnhs.zdnorte.net/wp-content/uploads/2020/11/ArP9_Q1_W6-7.pdf
Cram School with Sir Paul (2020). "Salik na Nakakaapekto sa Pagkonsumo"
Teacher Page
Ang webquest na ito ay nilika ni Eunice Bernadeth B.Samante,na kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies sa paaralan ng College of Sciences Technology and Communication Inc, Sariaya Quezon, para sa asignaturang Technology for Teaching and Learning 2 (TTL 2) sa ilalim ng pamamahala ni Mrs. Anabel Sta Cruz.