Introduction
Ang sistemang pang-ekonomiya ay tumutukoy sa isang institusyonal na kaayusan at paraan upang maisaayos ang paraan ng produksiyon, pagmamay-ari, at paglinang ng pinagkukunang-yaman at pamamahala ng gawaing pang-ekonomiko ng isang lipunan. Mithiin ng bawat sistemang pang-ekonomiya na makaagapay ang lipunan sa mga suliranin ng kakapusan at kung paano episyenteng magagamit ang mga pinagkukunang-yaman ng bansa.
Bawat lipunan ay may sinusunod na sistemang pang-ekonomiya upang matugunan ang mga suliraning nakapaloob sa produksyon at alokasyon ng mga produkto at serbisyo. Maaalala na ang sistemang pang-ekonomiya ay sumasagot sa apat na pangunahing katanungang pang-ekonomiko. Una, anu-anong produkto at serbisyo ang gagawin?. Pangalawa, papano gagawin ang naturang produkto at serbisyo?. Pangatlo, para kanino gagawin ang produkto at serbisyo?. Panghuli, gaano karami ang gagawing produkto at serbisyo?.
Task
Sa pagtatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang masusuri ang mekanismo ng alokasyon sa ibat-ibang sistemang pang-ekonomiya bilang sagot sa kakapusan. Upang makamit ang layuning ito, kinakailangan mong matutunan ang ibat ibang sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa daigdig tulad ng Tradisyonal na Ekonomiya, Market Economy, Command Economy at Mixed Economy.
Process
Alokasyon sa ibat-ibang Sistemang pang-Ekonomiya
Ang sumusunod ay ang ibat-ibang sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa daigdig:
Tradisyonal na Ekonomiya
Ang unang anyo ng sistemang pang-ekonomiya ay ang tradisyonal na ekonomiya. Ang kasagutan sa pangunahing katanungang pang-ekonomiko ay nakabatay sa tradisyon, kultura, at paniniwala. Ang tanong na ano ang lilikhaing produkto ay hindi mahirap sagutin sapagkat ang pangangailangan ng tao ay umiikot lamang sa pangunahing pangangailangan tulad ng damit, pagkain, at tirahan. Maging ang suliranin kung paano lilikha ng produkto ay simple lamang na tinutugunan dahil ang paraan ng produksyon ay batay sa sinaunang pamamaraan na itinuro ng matatanda sa pangkat. Sa tradisyonal na ekonomiya, bagama’t walang tiyak na batas ukol sa alokasyon, may maliwanag na pagkakaunawa ang mga tao sa paraan nito. Ang anumang produkto na kanilang malilikha ay ipamamahagi ayon sa kanilang pangangailangan at kung sino ang dapat gumamit.
Market Economy
Sa market economy, ang kasagutan sa pangunahing katanungang pang-ekonomiko ay ginagabayan ng mekanismo ng malayang pamilihan. Sa ganitong sistema, ang bawat kalahok, konsyumer at prodyuser ay kumikilos alinsunod sa kanilang pansariling interes na makakuha ng malaking pakinabang. Ang mga nasa lakas-paggawa ay maaaring makapamili ng kanilang nais na papasukang trabaho. Ang pangunahing katanungang pang-ekonomiko ay sinasagot ng puwersa ng pamilihan. Ang market economy ay nagpapahintulot sa pribadong pagmamay-ari ng kapital,pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng presyo, at pangangasiwa ng mga gawain.
Presyo ang pangunahing nagtatakda kung gaano karami ang bibilhin ng mga mamimili at kung gaano rin karami ang malilikhang produkto at serbisyo ng mga prodyuser. Sa kabuuan, ang dami ng produkto na nais ibenta ng mga prodyuser ay may katumbas na dami ng produkto na nais bilhin ng mga mamimili. Sa madaling sabi, presyo ang nagsisilbing pambalanse sa interaksiyon ng konsumer at prodyuser sa loob ng pamilihan.
Samantala, ang tungkulin naman ng pamahalaan ay ang pagbibigay ng proteksiyon sa kapakanan ng mga pag-aaring pampribado kabilang ang mga batas na mangangalaga sa karapatan, ari-arian, at kontrata na pinapasukan ng mga pribadong indibidwal.
Command Economy
Sa command economy, ang ekonomiya ay nasa ilalim ng komprehensibong kontrol at regulasyon ng pamahalaan. Ang pagkontrol ay alinsunod sa isang planong nauukol sa pagsusulong ng ekonomiya na pinangangasiwaan mismo ng sentralisadong ahensiya (central planning agencies).
Katunayan, ang pagpapasya sa proseso ng mga gawaing pang-ekonomiya ay sentralisado o nasa kamay ng pamahalaan lamang. Tinutukoy rin ang mga gagamiting pinagkukunang-yaman sa paglikha ng mga kapital. Samantala, madaling nalalaman ang distribusyon ng kita sa lipunan sa pamamagitan ng pagtatakda ng pasahod para sa ibat ibang uri ng hanapbuhay. Ang kita naman sa mga lupang sakahan ay maaaringmatukoy sa pamamagitan ng pagtatakda sa halaga ng mga produktong nagmumula rito.
Ang mga patakaran sa command economy ay ipinatupad sa dating Soviet Union. Sa kasalukuyan, nananatiling may ganitong sistemang pang-ekonomiya ang Cuba at North Korea.
Mixed Economy
Ang mixed economy ay isang sistema na kinapapalooban ng elemento ng market economy at command economy. Walang maituturing na isang kahulugan ang mixed economy. Ito ay kinapapalooban ng magkaugnay na katangian ng dalawang sistema tulad ng malayang pakikilahok sa mga gawaing pangkabuhayan na pinahihintulutan ng pamahalaan at pagkontrol ng pamahalaan sa ilang gawaing pangkabuhayan. Ang salitang mixed economy ay nalikha upang tukuyin ang isang sistemang nabuo at may mga katangian na bunga ng pagsasanib o kombinasyon ng command at market economy. Hinahayaan dito ang malayang pagkilos ng pamilihan subalit maaaring manghimasok o makialam ang pamahalaan sa mga usaping nauukol sa pangangalaga ng kalikasan, katarungang panlipunan, at pagmamay-ari ng estado. May pribadong pagmamay-ari sa mga salik ng produksyon, imprastraktura, at mga organisasyon. Ang sistemang mixed economy ay nagpapahintulot din na makagawa ng mga pribadong pagpapasya ang mga kompanya at indibidwal. Gayunpaman,ito ay hindi nangangahulugang ganap na awtonomiya para sa kanila sapagkat ang karamihan sa mga desisyong ito ay ginagabayan ng pamahalaan.
Upang lubos ninyong maunawaan ang araling ito, narito ang isang maikling presentasyon tungkol sa ibat ibang sistemang pang-ekonomiya.
Conclusion
Mahalaga ang ginagampanang papel ng ibat ibat sistemang pang-ekonomiya na pinaiiral sa ibat ibang bansa sa ating mundo. Sapagkat sa pamamagitan nito naisaayos ang paraan ng produksiyon, pagmamay-ari, at paglinang ng pinagkukunang-yaman at pamamahala ng gawaing pang-ekonomiko ng isang lipunan.
Mayroong apat na uri ng sistemang pang-ekonomiya, ito ay ang tradisyonal na ekonomiya, na kung saan ang kasagutan sa pangunahing katanungang pang-ekonomiko ay nakabatay sa tradisyon, kultura, at paniniwala. Ang market economy, na ang kasagutan sa pangunahing katanungang pang-ekonomiko ay ginagabayan ng mekanismo ng malayang pamilihan. Ang command economy, na ang ekonomiya ay nasa ilalim ng komprehensibong kontrol at regulasyon ng pamahalaan at ang mixed economy na kinapapalooban ng elemento ng market economy at command economy.
Credits
Araling Panlipunan 9 Modyul 3: Iba’t ibang Sistemang Pang-ekonomiya. Mula sa https://grade9.modyul.online/araling-panlipunan-9-modyul-3-ibat-ibang-sistemang-pang-ekonomiya/
Cram School with Sir Paul (2021). “Ibat ibang sistemang pang-ekonomiya.” Mula sa https://youtube.be/yixnNv2cj84
Teacher Page
Ang webquest na ito ay nilika ni Jean Paula F. Caballero, mag-aaral sa College of Sciences Technology and Communication Inc, Sariaya Quezon, para sa asignaturang Technology for Teaching and Learning 2 (TTL 2).