Introduction
Bilang isang tao, alam mo ba ang iyong mga karapatan? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng karapatang pangtao?
Bilang isang mamamayan mahalaga na alam mo ang sagot sa mga katanungang tulad nito. Mahalaga na alam mo ang iyong karapatan bilang isang tao at dapat alam mo kung ano ang tunay na ibigsabihin nito.
Alam mo ba kung bakit may mga isyu sa karapatang pantao? Ito ay sakadahilanang may mga taong walang alam o kulang ang kanilang kaalaman patungkol sa kanilang mga karapatan? Sila ang mga taong madalas na nilalamangan at minsan hindi nila namamalayan na inaapakan na pala ang kanilang mga karapatan. Sa kabilang banda, kung wala kang alam patungkol sa karapatang pantao maari ring ikaw mismo ang magkamali, makagawa ng mali sa iyong kapwa na hindi mo alam at wala sa iyong intensnyon. Kaya mahalaga na may alam ka.
Sa araling ito, tatalakayin natin kong ano ang Karapatan at ang anyo ng paglabag sa karapatang pantao.
Ano pa ang iyong hinihintay? halina at simulan ang talakayan upang ikaw ay matuto!
Task
Basahing mabuti ang anyo ng paglabag sa karapatang pantao.
1. Pisikal na Paglabag
May mga magulang, guro, at iba pang matatanda ang nananakit at nagpapataw ng mabigat na parusa sa pag-aakalang ito ay mabisang paraan ng pagdidisiplina.
Ang pananakit at pagsugat sa katawan ng tao ay pisikal na paglabag sa karapatang pantao. Ang pagdukot, kidnapping, pagbubugbog gaya ng hazing, pagputol sa anumang parte ng katawan o mutilation, lalo na ang pagkitil ng buhay ay mga pisikal na paglabag.
Ang seksuwal na pananakit tulad ng panghahalay o rape, pagsasamantala, panghihipo, martial rape, at domestic violence ay halimbawa rin ng pisikal na paglabag sa karapatang pantao.
Gayundin, ang tinawag na police brutality o ang labis na pagiging marahas ng mga pulis at military sa mga napagbibintangang Kriminal at kaaway ng batas.
Ang extrajudicial killing at extralegal killing sa mga napagbibintangang kriminal o kaaway ng pamahalaan ay mga paglabag sa karapatang pantao. Ang mga biktima ng nasabing paglabag ay hindi nabigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa korte, bagkus sila ay agad na hinatulan at pinatay.
2. Sikolohikal at Emosyonal na Paglabag
Ang pag-aaway ng mag-asawa, magkamag-anak, o magkaibigan na nauuwi sa sigawan at pagbibitaw ng masasakit o malulupit na salita ay maituturing na paglabag sa karapatang pantao. Gayundin, ang panlalait at pang-aalipusta ay nagdudulot ng trauma sa isang tao. Nagiging mababa ang tingin ng isang tao sa kaniyang sarili at nagdudulot ng ito ng kawalan ng kapayapaan ng loob. Nawawala ang kaniyang kumpiyansa at hindi na makapamuhay ng matiwasay.
Ang simpleng tuksuhan at asaran sa paaralan ay maaaring mauwi sa bullying na sumusugat at lumalatay sa emosyonal na katatagan ng mga bata. Malimit na ito ay nagpapatuloy sa mga social networking site o tinatawag na cyberbullying. May mga kaso na kung saan ang mag-aaral, dahil sa sobrang kahihiyan, panlulumo, at panliliit sa sarili, ay nagpapakamatay.
Ang pananakot upang mapilit ang isang tao na gumawa ng isang bagay na labag sa kaniyang kagustuhan ay paglabag din sa karapatan, gayundin ang pamimilit na sumapi sa samahan.
3.Estruktural o Sistematikong Paglabag'
Ang mga ganitong uri ng paglabag ay nagaganap dahil sa mga estrukturang umiiral sa ating pamahalaan at sa mga alituntunin o batas na ipinapatupad dito. Halimbawa, may mga serbisyo ang ating pamahalaan na hindi naipaparating sa mahirap na mamamayan na naninirahan sa mga probinsyadahil ang mga lugar na ito ay mahirap marating. Ang mga ito ay nalalasap lamang ng mga lungsod at sentro ng pamahalaan.
Isa pa rito ang pagkakaroon ng mga antas sa lipunan kung saan ang mga nabibilang sa mataas na antas at ang nakaririwasa ay mabilis na nabibigyan ng atensyon at preferential treatment samantalang ang ordinaryong mamamayan ay hindi mabigyan ng kaukulang atensyon. Kadalasan, kailangan pa nilang maglagay o manuhol para lamang mabigyan ng kinakailangang serbisyo.